Nanawagan si Senador Win Gatchalian sa gobyerno na tiyakin na ang mga pinakamahihirap na Pilipino ang talagang makikinabang sa lifeline rate subsidy
Ito ay kasunod ng paglagda kamakailan ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act (RA) No. 11552 o ang Act Extending and Enhancing the Implementation of the Lifeline Rate hanggang 2050.
“Ang panawagan ko lang sa gobyerno ay tiyakin na ang dapat makinabang sa subsidiyang ito ay ang mga tunay na benepisyaryo o yung mga pinakamahirap nating kababayan. Inaasahan na ang patuloy nating pagbibigay ng subsidiya ay magbibigay sa kanila ng kaluwagan sa gitna ng mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin at iba pang mga gastusin sa bahay,” pahayag ni Gatchalian.
Sa ilalim ng batas, ang mga kwalipikadong marginalized end-user ay kinabibilangan ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at kinikilala ng mga power distribution utility na nasa ganoong katayuan batay sa pamantayang itinakda ng Energy Regulatory Commission o ERC.
Hinihintay pa na maiayos at ma-update ang listahan ng mga benepisyaryo ng 4Ps na tumutukoy sa mga pinakamahihirap na pamilya sa bansa na dapat makinabang sa mga subsidiya o ayuda.Â
Pinangangambahan din na baka mailaan sa iba at hindi sa mga aktwal na benepisyaryo ang naturang ayuda sa kuryente.
Binigyang diin ni Gatchalian, na nagsisilbing vice-chair ng Senate Committee on Energy, na ang pagpapalawig ng probisyon ng subsidy ng gobyerno para sa mga marginalized electric consumers ay makabuluhan dahil sa kawalan ng katiyakan sa ekonomiya na dala ng sunud-sunod na krisis bunga ng epekto ng pandemya at ang giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Ang kalalagdang IRR para sa RA 11552 ay inaprubahan ng Energy Regulatory Commission (ERC), Department of Energy (DOE), at Department of Social Welfare and Development (DSWD). Isinabatas noong Mayo 2021, ang RA 11552 na nagpapalawig ng subsidiya sa mas mahabang panahon para sa mga Pilipinong nasa ilalim ng poverty line o itinuturing na marginalized na konsyumer ng kuryente sa bansa.
Pinalawig pa ng 50 years ang electricity lifeline rate mula sa dati nitong 20 years.
Nagkakahalaga sa P541 milyon ang buwanang subsidiya sa halos 6 milyon na marginalized end-user noong unang parte ng taon, ayon sa datos ng ERC.
Ang DOE ang magpapanukala ng mga polisiya na kinakailangan upang matupad nang maayos ang batas at ang IRR.
Ang ERC ang magtutukoy ng bagong lifeline level, magtatakda ng pamantayan kung sino ang kwalipikado sa lifeline rate at titingin kung natutupad nang mabuti ang programa.
Ang DSWD ang magsusuri at magbibigay ng listahan ng mga kwalipikadong kabahayan na magiging benipisyaryo ng lifeline rate subsidy.
Photo Credit: Philippine News Agency