Naghain ng pormal na resolusyon ang MAKABAYAN bloc upang imbestigahan ang kuwestiyonableng procurement ng bagong logo ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na inilabas kamakailan sa selebrasyon ng 40th anniversary nito.
Ito ay matapos umani ng samu’t-saring batikos sa social media ang PAGCOR hinggil sa paggasta nito at sa bagong logo. Pinuna ng ilan ang hindi pagkakatugma ng halagang ibinayad dito at ang kinalabasang itsura ng nasabing logo.
Ayon sa inihain nilang House Resolution No. 1120, maraming netizens ang nakapansin ng pagkakahawig nito sa logo ng isang kumpanya ng gasolinahan, at brand ng noodles.
“…the new P3.036-million logo looks like something done by a Grade 1 pupil or a Kindergartner,” saad ng resolusyon.
Ayon pa rito, ang nanalong bidder na Printplus Graphic Services, na base sa talaan ng Department of Trade and Industry ay isa pa lamang bago at maliit na business entity. Ito ay inirehistro noong March 24, 2021 at mayroon lamang barangay scope para sa kanilang business name. Ito ay pag-aari ng isang nagngangalang Francisco Doplon.
Nakasaad din sa resolusyon na nito lamang June 14, 2023 naaprubahan ang registration nito sa Philippine Government Electronic Procurement System, at kasalukuyang may “red” status.
“It is imperative for Congress to ensure that public funds are used efficiently and effectively, and that government agencies are held accountable for their actions” saad ng resolusyon.
Iginiit ng MAKABAYAN bloc na sa halip na kontrolin ang inflation, dagdagan ang pasahod ng manggagawa, at lumikha ng mas maraming trabaho ay mas pinili ng PAGCOR na gumastos ng milyon-milyon mula sa pera ng mga taxpayer para lamang palitan ang logo nito.
Photo credit: Facebook/pagcor.ph