Nanawagan si Senator Christopher “Bong” Go sa mga lokal na pamahalaan o LGU at mga ahensya ng gobyerno na ayusin ang paghatid ng tulong sa mga nasalanta ng mga kalamidad.
Sa isang ambush interview, sinabi niya na kailangang “bilisan” ng mga kinauukulan ang pamamahagi ng ayuda at relief goods pagkatapos ng isang kalamidad.
“Ako po, nakikiusap rin po ako not only sa mga national government agencies. Lahat, sa LGU, sa lahat po ng ahensya ng gobyerno na bilisan po ang pamamahagi ng ayuda,” sabi ni Go pagkatapos mamahagi ng tulong sa mga naapektuhan ng baha sa Roxas City, Capiz.
“Kung mayroong mga relief goods, ibahagi kaagad,” giit niya.
Paliwanag ng mambabatas, hindi dapat mahirapan ang mga biktima sa proseso na pagkuha ng ayuda. Pakiusap niya sa gobyerno na direktang ibigay ang ayuda sa mga nangangailangan.
“Dahil ‘pag tinamaan ka ng bagyo, ito ang mga panahon na litung-lito ang mga kababayan natin. Basa ang mga gamit, aayusin o papalitan ‘yung mga kagamitan nila,” aniya.
“Ibigay na kaagad ‘yung pagkain dahil unang-una, pera nila yang pera ng gobyerno. Kapag galing sa national government agencies, ibigay kaagad sa mga kababayan natin. Huwag nang tagalan,” paalala ni Go.
Sa kabila ng naging pinsala dulot ng Severe Tropical Storm (STS) Paeng, pinahalagahan niya kung gaano ka-importante ang pamamahagi ng ayuda at serbisyo, mas lalo na sa mga donasyon, sa mga nangangailangan.
“Kung mayro’n mang mga donated items, ibigay kaagad. Bahala nang mag-doble. Ang importante walang magutom,” sabi ng senador.
Pahayag niya, dapat walang Filipino na magugutom pagkatapos ng sakuna, mas lalo na ang mga mahihirap upang may lakas silang bumangon uli.
Nagdeklara ng state of calamity ang buong probinsya ng Capiz noong Oktubre 29.
Ayon sa Capiz Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) noong Nobyembre 1, 16 na bayan at Roxas City ang apektado ng pagsasalanta ng STS Paeng, kabilang dito ang 309 na barangay sa probinsya.
Umabot sa halos 25,000 ang mga na-displace na pamilya.
Nagkakahalaga ng P745.289 milyon ang naging sira sa agrikultura, ang pinakamatinding pinsala sa rehiyon, ayon sa Department of Agriculture-Region 6 noong Nobyembre 6.
Kabilang sa naging pagbisita ni Go sa rehiyon, ang pagtulong sa mga transport workers Balasan, Iloilo at pagdalo sa pagbubukas at turnover ng Balasan Transport Terminal.
Nagsagawa rin siya ng inspeksyon sa Estancia Public Market na tinulungan niya pondohan. Nagbigay din siya ng tulong sa mga indibidwal na may maliliit na negosyo sa Estancia.
Photo Credit: Philippine News Agency