Ipinahayag ni Senador Christopher “Bong” Go na bukas siya sa panukala na gawing legal ang paggamit ng medical marijuana sa Pilipinas, hangga’t may naaangkop na regulasyon.
Sa isang subcommittee on health hearing sa medical cannabis, sinabi niya na sa kabila ng kanyang mahigpit na pagtutol sa ilegal na droga, bukas si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa naturang panukala.
“I am for its medical use so I am open to proposals on how we can regulate medical marijuana in such a way that there are enough safeguards. Pag-aralan po natin ng mabuti,” dagdag ni Go.
“Even former president Rodrigo Duterte has previously expressed openness for the use of medical marijuana subject to proper regulation,” aniya.
Iginiit ng mambabatas, gayunpaman, na susuportahan niya ang naturang panukala hangga’t nagtatatag ito ng mahigpit na mga pananggalang at regulasyon upang matiyak na ginagamit ito para sa mga layuning medikal lamang.
“Bilang chairperson ng Senate Committee on Health, palagi kong inuuna ang kalusugan ng bawat Pilipino. Kaya kung ano man ang makakatulong sa paggamot ng mga sakit ay susuporta naman po ako dito,” aniya.
“I am very much open, but I want to emphasize the importance of proper regulation if we are to allow and support medical marijuana. Hindi lang medikal ang pinag-uusapan dito, kundi pati kung papaano mare-regulate ng maayos at hindi po maaabuso ang paggamit ng cannabis,” dagdag ni Go.
Ayon sa kanya, hindi dapat sayangin ang mga makabuluhang natamo sa mahigpit na kampanya ng nakaraang administrasyon laban sa ilegal na droga sa pangunguna ni Duterte, at hindi dapat bigyan ng pagkakataon ang masasamang elemento na pagsamantalahan ang panukala kung ito ay magiging batas.
“Naging masidhi ang kampanya ng dating administrasyon kontra ilegal na droga kaya importante na hindi ito mapabayaan at hindi maabuso ng masamang elemento ang dapat na makakatulong sana sa may sakit,” ayon sa senador.
“Importante rin sa atin na mabalanse ang interes ng nakararami. Importante ang kalusugan. Importante rin ang peace and order. At importante po ang rule of law. Lahat ng ito ay mga aspeto na dapat ikonsidera sa pagpasa ng panukalang ito,” dagdag niya.
Binigyang-diin din ng Senate Committee on Health chair ang kahalagahan ng unified approach at pagbabalanse sa lahat ng aspeto, kabilang ang medical value, public order, economic opportunities. Iminungkahi din niya na ang Food and Drug Administration ay dapat gumanap ng mahalagang papel sa pagtukoy ng medicinal value ng cannabis.
Photo Credit: Facebook/BongGoPage