Nagsimula nang bumuhos ang milyun-milyong insentibo matapos masungkit ni Carlos Edriel Yulo ang historic back-to-back gold medal win ng Pilipinas sa larangan ng gymnastics para sa 33rd Summer Olympics Games 2024 sa Bercy Arena sa Paris, France.
Noong Linggo ng gabi, Agosto 4, pinasiyahan ni Yulo ang final event ng Men’s Gymnastics Artistic Vault para maukopa ang kanyang ikalawang gintong medalya sa Paris 2024 Olympics, wala pa ang halos 24 na oras matapos ang kanyang gold-clinching performance sa Artistic Gymnastics Men’s Floor Exercise event noong namang Sabado, Agosto 3.
Umukit ng kasaysayan si Yulo bilang kauna-unahang Filipino male athlete na nakasungit ng double-gold haul sa Olympics sa larangan ng gymnastics hindi lang para sa Pilipinas kundi sa buong Southeast Asia.
Ang dalawang gintong ito ni Yulo ang nagbigay-daan sa Pilipinas na talunin ang lahat ng mga kapitbahay sa Southeast Asia sa medal table kasabay na rin ng ika-100 taon partisipasyon ng bansa sa Olympics Games.
Dahil sa kanyang makasayang panalo, bumuhos ang sandamakmak na insentibo para sa tinaguriang “Golden Boy of Philippine Sports.”
Sa ilalim ng Republic Act 9064 o ang National Athletes, Coaches and Trainers Benefits and Incentives Act, ang Olympic gold medalist ay tatanggap ng PHP10 milyon tax-free.
Gagawaran din si Yulo ng Olympic Gold Medal of Valor ng Philippine Sports Commission para sa kanyang pambihirang galing sa 2024 Paris Olympics. Bukod pa ito sa Congressional Medal bilang “sports hero” at “national treasure” ng bansa.
Mayroon ding pabuyang P6 milyon na igagawad ng Kamara, na kinumpirma mismo ni Rep. Elizaldy Co, chairman ng House Committee on Appropriations.
“In recognition of his historic accomplishment, the House of Representatives is honored to award Carlos Yulo P3,000,000. This reward reflects our support for his continued success and our commitment to fostering Filipino talent on the international stage,” ani Co sa isang pahayag.
Nangako rin ang Philippine Olympic Committee na bibigyan ng house and lot ang mga gold medalists tulad nang gawaran nila ang mga nagsipagwaging apat na Pinoy medalists noong 2020 Tokyo Summer Olympics sa Japan.
Tatanggap din si Yulo ng upgraded na fully-furnished three-bedroom McKinley Hill condo at cash bonus na may kabuuang P35 milyon mula sa higanteng korporasyon na Megaworld ng business tycoon na si Andrew Tan.
Bukod dito, inihahanda na rin ng Lungsod ng Maynila sa pangunguna ni Mayor Honey Lacuna ang isang engrandeng hero’s welcome para kay Yulo.
Ayon kay Lacuna, magbibigay ang lungsod ng malaking pagsalubong para kay Yulo bilang isang Outstanding Manilan awardee.
“The City of Manila is already preparing a hero’s welcome for Carlos Yulo because we are immensely proud of our Manileño from Leveriza, Malate,” ayon sa kanyang pahayag.
Pangako rin ni Lacuna na bibigyan din ng lokal na pamahalaan ng lungsod ang 24-anyos na golden boy ng financial rewards at iba pang pagkilala.
“The grandest welcome will greet him and all our Paris Olympians. When we meet him, we will present Carlos Yulo cash incentives, awards and symbols of the eternal gratitude of the proud Capital City of the Philippines,” dagdag pa ng mayora.
Samantala, binati ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Filipino gymnast sensation na si Carlos Yulo para sa kanyang makasaysayang double-gold haul sa 2024 Paris Olympics.
Sa isang post sa social media nitong Lunes, nagpahayag ng kagalakan ang pangulo para sa tagumpay ni Yulo.
“No words can express how proud we are you, Caloy! You have achieved GOLD for the Philippines not once, but twice!,” pagbati ni Marcos.
“Filipinos all over the world stood united, cheering and rooting for you.”
“Aming ipagmamalaki ang tagumpay mong nagniningning! Saludo kami sayo!” dagdag na pagbati ng Pangulo.
Nagpaabot din ng mensahe para kay Yulo si Weightlifter Hidilyn Diaz, ang kauna-unang Olympic gold medalist ng bansa sa 2020 Tokyo Olympics.
“Congratulations ulit, Caloy! Ang galing! Ipinagmamalaki kita hindi lang sa mga medalya mo kundi dahil sa hirap na pinagdaanan mo para makamit ang tagumpay, para sa sarili at higit pang lalo, para sa bayan,” aniya sa Facebook.
Inaasahang bubuhos pa ang sandamakmak na insentibong maiuuwi ni Yulo gaya nang nangyari kay 2020 Tokyo Summer Olympics gold medalist Hidilyn Diaz.
Photo credit: Facebook/olympics