Matigas ang pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. laban sa mga Philippine offshore gaming operators (POGOs), matapos kanselahin ang lahat ng kanilang lisensya sa bansa.
“Kanselado na ang lahat ng lisensya ng POGO at IGL [internet gaming licensees] sa buong bansa!” aniya sa isang social media post kamakailan. Babala ni Marcos, ang sino mang magtangka ng iligal na operasyon ay haharap sa buong pwersa ng batas.
Sa kanyang State of the Nation Address noong Hulyo, nagbigay utos ang Pangulo na tuluyang ihinto ang operasyon ng mga POGO matapos maiugnay ang mga ito sa human trafficking, prostitusyon, at pagpatay. Ang phase-out ay nakatakda sa Disyembre 31, 2024.
Ayon sa Philippine Amusement and Gaming Corp., pito na lang sa dating 60 lisensyadong POGO ang natitira ngayong taon.
Pinangunahan ni Marcos ang pagpupulong kasama ang multi-agency task force para tiyakin na ang total ban ay maisasagawa nang maayos. Pagtitiyak niya, hindi na muling papayagan ang mga POGO na magdulot ng krimen at pinsala sa lipunan.