Inihayag ni dating Bayan Muna representative Neri Colmenares na malapit nang matapos ang imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng mga umano’y crimes against humanity.
Ayon sa kanya – na abogado ng mga biktima ng extrajudicial killings, malakas na ang ebidensya para sa drug war case, at posible nang naghahanda ang ICC para sa trial. “Isang malaking hakbang ito tungo sa hustisya para sa mga biktima,” ani Colmenares.
Hinihikayat din ng ICC ang mga insider—tulad ng pulis at iba pang posibleng testigo—na tumulong sa kaso sa pamamagitan ng bagong witness platform.
Kamakailan, naglunsad ang ICC ng microsite para makalikom ng dagdag na ebidensya at testigo laban sa mga kasangkot sa madugong drug war mula 2016 hanggang 2022. Naniniwala si Colmenares na indikasyon ito na tapos na ang imbestigasyon at naghahanda na ang ICC para sa paglilitis.
Sinabi rin niya na mahalaga ang partisipasyon ng mga may direktang kaalaman sa drug war upang mapabilis ang pag-usad ng kaso. “Hindi dapat hadlangan ng gobyerno ang hustisya, kundi suportahan ang imbestigasyon,” dagdag ng dating mambabatas.
Sa kamakailang pagharap ni Duterte sa House quad committee, inaako niya ang lahat ng responsibilidad para sa drug war killings. Hinamon pa ng daring pangulo ang ICC na magpunta na agad sa Pilipinas. “Kung mapatunayang guilty, magbubulok ako sa kulungan,” pahayag ng dating Pangulo.
Bagama’t umatras ang Pilipinas sa ICC noong 2019, may hurisdiksyon pa rin ang tribunal sa mga krimen na naganap bago ang pag-alis ng bansa sa Rome Statute.
Sa kabila ng pagtutol ng administrasyong Marcos sa ICC, umaasa si Colmenares na magbabago ang posisyon ng gobyerno para sa hustisya ng mga biktima.
Photo credit: Facebook/@bayanmunapartylist/, Facebook/HouseofRepsPH