Ibinunyag ni Senador JV Ejercito na may ilang opisyal sa Pilipinas na siyang nakasalamuha na halatang mga Chinese nationals. Ito’y matapos lumabas ang kontrobersya kaugnay ng dating Bamban Mayor Alice Guo, na umano’y isang Chinese spy.
Gamit ang term na “China men,” sinabi ng mambabatas sa Kapihan sa Senado na nakilala niya ang ilang opisyal na halatang mga Chinese dahil sa kanilang accent at itsura.
“Alam mo, malalaman mo eh. Galing ako sa Chinese school, kaya alam ko yung mga Chinoy na dito na ipinanganak at lumaki at yung mga dayo lang,” dagdag pa niya.
Bagama’t hindi binanggit ng senador kung may national position ang mga ito, sinabi niyang elected official na umano sila, pero hindi sa national level.
Binahagi niya ito kaugnay sa nauna ng pasabog ni Wang Fu Gui, dating kasamahan ni She Zhijiang — isang self-confessed Chinese spy — na nagpakita ng mga classified documents patungkol kay Guo.
Si Wang ay dating cellmate ni She. Ayon sa kanya, ipinagkatiwala sa kanya ni She ang ilan sa mga declassified matters nito kung saan nadiskubre niya na ang mga classified documents tungkol kay Guo.
Dahil dito, hinikayat ni Ejercito ang mga ahensya ng gobyerno tulad ng National Bureau of Investigation, Department of National Defense, at National Security Council na imbestigahan ang isyung ito.
Binalaan din niya ang publiko tungkol sa posibilidad na may mga Chinese agents na pinapatakbo bilang mga opisyal sa bansa, lalo na’t may tensyon ang Pilipinas at China sa West Philippine Sea.
“Because of the situation again in the West Philippine Sea, with China — yung ating conflict, baka mamaya nilalagyan [o] pina-plantahan na tayo ng agents nila who will run as officials,” saad ng mamababatas.
Photo credit: Facebook/senateph