Nanindigan ang Manila local government na ang iconic na Manila Zoo ay hindi ililipat sa kabila ng panukala ni Senator Francis Tolentino.
“It will not be the Manila Zoo if it is located anywhere else,” sinabi ni Mayor Honey Lacuna sa isang pahayag. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng zoo sa heritage ng lungsod at mga alaala sa kabataan ng maraming Pilipino.
Dagdag ng mayor, may iba pang plano ang pamahalaang lungsod para sa zoo. “We want Manila Zoo’s future to be a well-planned, realistic roadmap based on sound science and zoo management, and with due sensitivity to the cherished place of the Manila Zoo in the hearts of Manileños and the childhood memories of many Filipinos.’”
Kasama sa roadmap na ito ang pag-upgrade ng mga pasilidad upang maging kapantay ng iba pang mga zoo sa Southeast Asia.
Binanggit din ni Lacuna ang pagbuo ng isang panel of experts upang magsagawa ng research at mangalap ng input mula sa mga stakeholder. Aniya, ang paglipat ng mga hayop sa Masungi Georeserve ay wala sa roadmap na iyon.
Nauna nang iminungkahi ni Tolentino na ilipat ang zoo sa Masungi Georeserve, na aniya ay magbibigay ng mas magandang kondisyon sa pamumuhay ng mga hayop.
“Mas maganda kung mabibigyan ng espasyo ang mga inaalagaang hayop [ng Manila Zoo] kung saan maaari silang mabuhay sa tamang lugar at klima,” pahayag ng mambabatas sa kanyang radio program.
Ikinatwiran ni Tolentino na ang kasalukuyang anim na ektaryang site ng zoo ay masyadong maliit, na naglalantad sa mga hayop sa ingay, init, at polusyon sa lungsod.
“Maliit lang po ito kaya hirap na hirap yung ating mga giraffe…yung ating elepante nga namatay…mainit yung semento. Hindi po kasi natural habitat ng mga hayop na nabanggit ko yung kalungsuran, kung saan mainit, maingay, at mausok,” paliwanag niya.
Photo credit:
Facebook/senateph, Facebook/ManilaPIO