Habang patuloy na tumataas ang bilang ng mga batang ina, hindi na nakaligtas sa kontrobersya ang posisyon ni Health Secretary Ted Herbosa tungkol sa Senate Bill 1979, o mas kilala bilang Adolescent Pregnancy Prevention o PAP Bill. Sa kabila ng lumalalang isyu ng pagbubuntis sa mga batang wala pang 15 taong gulang, may matinding siyang pagtutol sa pangangailangan ng bagong batas.
Ayon kay Herbosa, hindi na raw kailangan pang magpasa ng bagong batas para solusyunan ang lumalalang isyu ng adolescent pregnancy. Kumbinsido siya na ang kasalukuyang Republic Act No. 10354, o ang Responsible Parenthood and Reproductive Health Law (RH Law), ay sapat na basta’t maayos itong maipatupad.
“Ang tingin ko hindi nakatulong [ang bill]. Nagkagulo kasi nga, nagalit ‘yung Catholic Church, nagalit ‘yung isang grupo, ‘yung Project Dalisay, nagalit ‘yung… nagkasagutan at nag-debate. Hindi tayo aabante kapagka ganyan,” pahayag niya sa isang interview radyo.
“Meron naman tayong Reproductive Health Law at hindi naman tayo kailangang magpasa ng panibagong batas. Ang importante ay maturuan natin ang lahat ng ating mamamayan na ang problema ay ‘yung unplanned pregnancy at ang pagtaas ng mga namamatay dahil sa panganganak,” dagdag niya.
Para sa kalihim, ang tunay na problema ay hindi ang kakulangan ng batas kundi ang hindi tamang implementasyon ng kasalukuyang mga programa, partikular na ang edukasyon sa reproductive health at ang pagpapaigting ng mga hakbang para maiwasan ang mga unplanned pregnancies, isang seryosong isyu na nagdudulot ng mataas na bilang ng pagkamatay mula sa panganganak.
Ang Philippine Statistics Authority (PSA) ay nag-ulat ng nakababahalang mga numero: Noong 2020, 2,113 batang ina ang nagsilang, at tumaas pa ito sa 2,320 noong 2021. Ang bilang ng mga batang ina ay patuloy na tumaas, umaabot na sa 3,135 noong 2022.
Pagtutol Ni Senador Hontiveros
Sa kabilang banda, mariing itinanggi ni Senator Risa Hontiveros ang pahayag ni Herbosa at ipinagdiinan na ang PAP Bill ay magsisilbing tulong upang mapalakas ang kasalukuyang RH Law.
“Pinapaalala ko po sa Department of Health Secretary na pinapalakas ng Prevention of Adolescent Pregnancy (PAP) Bill ang Responsible Parenthood and Reproductive Health (RPRH) Law,” aniya. Ayon pa kay Hontiveros, patuloy pa ring isang pambansang emergency ang teen pregnancy at nararapat lang na palakasin ang RH Law para matutukan ang problemang ito ng gobyerno.
Pinili ni Hontiveros na bigyang pansin ang kahalagahan ng panukalang batas na makakapagbigay ng tamang impormasyon at serbisyong pangkalusugan sa mga kabataan upang protektahan ang kanilang kalusugan laban sa mga panganib ng maagang pagbubuntis at pagkakaroon ng sexually transmitted diseases.
“Whether we like it or not, ayon sa datos ay may mga kabataang sexually active at kasalukuyan ng hinaharap ang mga kinahihinatnan nito. Kailangan nila ng angkop na impormasyon at serbisyo, dagdag sa nakatakda sa RPRH. Hindi dapat ipinagkakait sa kanila ang magpoprotekta sa kalusugan nila,” dagdag niya.
Photo credit: Facebook/DOHgovPH, Facebook/senateph