Isang tagumpay para sa justice system ng bansa ang desisyon ng Tagum City Regional Trial Court na hatulan ng guilty sa kasong kidnapping sina ACT-Teachers party-list Rep. France Castro at dating Bayan Muna Rep. Satur Ocampo, ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
“Their [Castro at Ocampo] conviction highlights that our justice system is effective, sending a clear message that those who exploit and endanger IP children will be held accountable,” pahayag ni AFP Spokesperson Colonel Francel Padilla sa isang press conference.
Hinatulan ng korte ng apat hanggang walong taong pagkakakulong sina Castro at Ocampo sa kaso na nag-ugat sa isang insidente noong 2018, kung saan ang dalawa, kasama ang ilang guro, ay inakusahan ng pagdadala ng mga batang Lumad sa kanilang solidarity mission in Talaingod, Davao Del Norte nang walang pahintulot ng magulang.
Samantala, nabanggit ni Padilla na magpapatuloy ang AFP na magpalaganap ng kapayapaan sa bansa kahit na miyembro pa ng gobyerno ang masasagasaan.
Saad ni Padilla, naging positibo ang tugon ng militar sa hatol na guilty laban kila Castro at Ocampo dahil naging malinaw ang kanilang paglabag sa batas.
Ayon sa report ng mga awtoridad, may posibilidad na ang dalawa ay nagkaroon ng kilusan upang turuan ang mga kabataan na lumaban sa gobyerno.
Taliwas naman ito sa sinabi ni Castro at Ocampo. Anila, inililigtas lamang nila ang mga estudyante sa maaaring kapamahamakan na dulot ng military operations sa lugar.