Pinayuhan ni Vice President Sara Duterte ang mga opisyal ng gobyerno na huwag ituon ang pansin sa kanya, bagkus dapat ay mag-focus sila sa mas mahahalagang isyu sa bansa katulad ng terorismo.
Sa isang pahayag, binanggit niya ang mga estado ng kanyang relasyon sa kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte at kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr..
Ayon kay Duterte, ang pulitika ay isang bagay na hindi nila pinag-uusapan ng kanyang ama, at hindi rin sila nagkaka-usap ni Marcos tungkol sa mga national issue.
“On separate occasions, the President and the former President similarly expressed concerns over my well-being. I assured them that I would take care of myself as I carry out my duties and responsibilities as Vice President and the Secretary of the Department of Education,” aniya.
“Both leaders are also gifted with the wisdom to know that I am not a problem and I do not need to be solved, rather, this is the time to focus on the work that needs to be done for the country.”
Sa halip, binigyang-diin ng bise presidente ang kahalagahan ng pagtutok sa mga mahahalagang isyu sa bansa tulad ng kalidad ng edukasyon, pagtaas ng presyo ng mga bilihin kabilang ang pagkain, at ang mga hamon ng terorismo, kriminalidad, at kawalan ng seguridad at katiyakan ng kapayapaan.
“As a Mindanaoan, I am a witness to how violence spawned poverty, lack of livelihood, internal displacement, and inequitable access to education opportunities for our children and the youth, which ultimately made the violence of radicalism more appealing to them,” paliwanag niya.
Ang kamakailang pananambang sa Maguindanao del Sur, na nagresulta sa pagkamatay ni Cpl. Crezaldy Espartero, Pfc. Carl Araña, Pvt. Jessie James Corpuz, at Pvt. Marvin Dumaguing, ay nagsilbing mabangis na paalala sa patuloy na banta ng terorismo sa bansa. Nanawagan si Duterte para sa pagsisikap sa paglaban sa terorismo, pagsuporta sa edukasyon ng kabataan, at pagbibigay ng mahahalagang impormasyon sa militar tungkol sa mga terorista.
“Lumaban tayo kontra terorismo. Suportahan natin ang edukasyon ng kabataan. Suportahan natin ang ating kasundalohan sa pamamagitan ng pagbigay impormasyon tungkol sa kalaban,” aniya.
Hinikayat din ni Duterte ang mga lokal na pamahalaan na unahin ang seguridad ng mga mamamayan, bilang paggalang sa mga sakripisyo ng mga sundalong Pilipino na nagbuwis ng kanilang buhay para sa kapayapaan ng bansa.
“Unahin natin ang Pilipino, unahin natin ang Pilipinas.”
Photo credit: Facebook/MayorIndaySaraDuterteOfficial