Pinuna ni Deputy Majority Leader at Iloilo First District Representative Janette Garin ang pagtatalaga kay dating Special Adviser sa National Task Force Against COVID-19 na si Dr. Tony Leachon sa Department of Health (DOH).
Sa isang pahayag, diniin niya na hindi eksperto si Leachon sa kalusugan ng publiko upang italaga bilang bilang Special Adviser for Non-Communicable Diseases ng DOH.
Kinuwestiyon din ni Garin ang pagiging dalubhasa umano ni Leachon sa kalusugan ng publiko. Sa deliberations nitong Miyerkules para sa proposed P203.6-billion budget ng DOH para sa susunod na taon, nabatid na walang Masteral o Doctorate degree si Leachon sa public health para maituring na eksperto sa larangan.
Binanggit din ng mambabatas ang pahayag ni Presidential Adviser on Peace Carlito Galvez Jr., kung saan sinabi niya na “skewed” at “malicious” ang mga datos na inilabas ni Leachon ukol sa mga bakuna.
“Do you think its fair for the Department of Health to [to give] P100,000 to a person whose statements were always skewed and malicious?…I’m saying this because as a Secretary of Health, you have allies and colleagues with you whose tasks and functions will be affected,” aniya kay Health Secretary Teodoro Herbosa.
“You can hire him as your personal consultant but you cannot give him the platform of the Department of Health because that is a lot different,” dagdag pa ni Garin
Sa halip na bigyan ng kompensasyon ang hindi eksperto, sinabi rin niya na dapat itong ilaan sa mga manggagawa ng Medical Assistance Program.
“Ang laki laki po ng medical assistance program. Napakaraming trabaho sa kanila… pero kulang na kulang po sila Secretary sa tao,” ayon sa House appropriations panel vice chairperson.
Photo credit: House of Representatives Official Website