Saturday, January 11, 2025

‘Hindi Kailangan!’ Mga Mambabatas Nagkaisa Laban Sa Cha-Cha Signature Drive

42

‘Hindi Kailangan!’ Mga Mambabatas Nagkaisa Laban Sa Cha-Cha Signature Drive

42

How do you feel about this story?

Like
Love
Haha
Wow
Sad
Angry

Nagkaisa si Senador Risa Hontiveros at ACT Teachers party-list Representative France Castro sa pagpapahayag ng kanilang pagtutol sa ginagawang signature drive para sa Charter change.

Pinangunahan ni Castro ang Makabayan bloc sa paghahain ng House Resolution 1541, na layong imbestigahan ang mga ulat ng pandaraya at manipulasyon sa sinasabing “People’s Initiative” para sa Charter change.

“Ang dami na naming natatanggap na report tungkol sa panloloko sa pagpapaprima para sa pekeng people’s initiative daw para sa Charter change,” pahayag niya.

Dagdag ni Castro, mula Tarlac, Quezon City, Caloocan at Cavite ang ilan sa mga natanggap nilang report kung saan ang ilan ay pinangakuan ng ayuda, at ang iba naman ay isinabay ang pagpapapirma sa gift giving noong kapasakuhan. May report din na pati mga PWD ay nililinlang para papirmahin sa Cha-cha.

Binigyang-diin pa ng mambabatas ang posibleng maling paggamit ng pondo ng bayan, at sinabing, “Ano mang tanggi ng mga nagsusulonfg ng Cha-cha ay hindi rin natin masisisi ang ating mga kababayan na isipin na maaaring pondo ng bayan ang ginamit dito lalo pa at may bagong tulak ang administrasyong Marcos para baguhin ang Konstitusyon at mukhang koordinado at may timeline na sinusunod ang kanilang ginagawa.” 

Samantala, ang panawagan para sa imbestigasyon ay nakakuha ng karagdagang suporta mula kay Hontiveros, na kinondena ang diumano ay mapanlinlang na pagtawag sa inisyatiba bilang isang “People’s Initiative.” 

“Hindi tamang tawagin na ‘People’s Initiative’ ang isang panukala kung hindi naman ang tao ang may pakana,” aniya. “This well-funded, well-oiled campaign is not about the people – it is all about greed and the desire to act with zero accountability to the nation.” 

Kinuwestiyon ng senador ang mga organizer na nagtatago sa likod ng isang law firm at hinimok ang publiko na suriing mabuti ang mga nagpopondo sa sinasabing ‘people’s initiative.’

Nilinaw niya na ang inisyatiba ay hindi tumutugon sa mga repormang pang-ekonomiya o pampulitika, at ipinunto na,  “Walang nabanggit tungkol diyan ang mismong form daw na kumakalat.” Sa halip, nakatutok ito sa pagpapahina sa papel ng Senado sa Constitutional Assembly, at pag-alis ng karapatan sa mga senador na sumali sa amendment process.

Sa gitna nito, hinimok ng dalawang mambabatas ang mga Pilipino na unahin ang mga mahahalagang isyu tulad ng pagtugon sa pagtaas ng cost of living, pagtaas ng sahod ng mga manggagawa, paglaban sa korapsyon, at pagtugon sa patuloy na pananalakay ng China sa West Philippine Sea.

“Kasama ng bansang Pilipino ang Senado sa pagtaguyod ng demokrasya. We will not allow this to be an easy, one-sided fight. Tatapatan natin ng matinding laban ang pinaplano nilang panloloko at pangbabastos sa ating Saligang Batas,” giit ni Hontiveros.

Nanawagan din sila para sa pagkakaisa ng mga mamamayang Pilipino sa pangangalaga ang democratic process.

Photo credit: House of Representatives, Facebook/senateph

Disclaimer: The views and opinions expressed on this website, including all written content, articles, and posts, are solely those of the individual authors, whether they are employees, contributors, or guest writers. These views and opinions do not necessarily reflect the official policy or position of the website's management, officers, partners, employees, affiliates, or any other associated entities. The content provided and the information contained therein are sourced independently by the respective writers and are not influenced, endorsed, or verified by the management or any other parties associated with the website. Readers are encouraged to conduct their own research and seek appropriate guidance before making any decisions based on the content of this site.

President In Action

Metro Manila