Umalma ang kampo ng mga Teves sa pinakabagong resolution ng Anti-Terrorism Council (ATC) na nagtutukoy sa kanila bilang mga “terorista.”
“This latest act on the part of the government against our client, Rep. Arnolfo Teves, comes as no surprise,” pahayag ni Ferdinand Topacio, ang lead legal counsel ng suspendido na Negros Oriental 3rd District Representative Arnolfo Teves.
Binanggit niya ang sunud-sunod na aksyon na ginawa ng gobyerno mula nang simulan ang imbestigasyon sa pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo. Kasama sa mga aksyon na ito ang agarang paglalagay kay Teves bilang mastermind nang hindi nagsasagawa ng tamang imbestigasyon, pagsasagawa ng mga illegal search sa kanyang mga ari-arian, at paglulunsad ng kampanya sa media para siraan siya.
Binigyang-diin din ni Topacio na sa kabila ng kakulangan ng ebidensiya laban kay Teves at pag-atras ng mga pangunahing testigo, ipinagpatuloy ng gobyerno ang pagdadawit sa kanya sa krimen. Inakusahan niya ang mga awtoridad ng paggamit ng Anti-Terrorism Act para sa mga layuning hindi ito idinisenyo.
“One only has to read the reasoned decision of the Supreme Court on this matter to know this to be true,” ipinunto ng abogado.
“It is thus a sad day for the Rule of Law in this country, and a shocking reminder that even under constitutional and republican regime, the return to a government of men and not of laws can always ensue, especially for those targeted for destruction by the present dispensation.”
“This development should send shivers down the spine of every citizen, for the liberties of none are safe unless the liberties of all are protected,” babala niya.
Samantala, sinagot din ni dating Negros Oriental Governor Pryde Henry Teves ang pagkakakilanlan ng ATC sa kanya at sa iba pa bilang mga “terorista.” Nagpahayag siya ng kalungkutan sa pangyayari at tiniyak sa publiko na gagawa ng nararapat na legal na hakbang para malinis ang kanilang mga pangalan.
Sinabi ng dating gobernador na siya at ang kanyang kapatid na si Rep. Teves, ay kasalukuyang kumukunsulta sa kanilang mga abogado upang matukoy ang susunod na aksyon.
Ayon sa ATC, may “probable cause” ang pagtatalaga nito bilang mga “terorista” sa magkapatid na Teves kasama ang 11 iba pa. Kasama sa listahan ng mga indibidwal na itinalagang terorista na kabilang umano sa “Teves Terrorist Group” sina Marvin H. Miranda, Rogelio C. Antipolo, Rommel Pattaguan, Winrich B. Isturis, John Loiue Gonyon, Dahniel Lora, Eulogio Gonyon Jr., Tomasino Aledro, Nigel Electona, Jomarie Catubay, at Hannah Mae Sumero Oray.
Sinabi ng ATC na sina Pryde Henry at Electona, bukod sa iba pa, ay nagbigay ng materyal na suporta para sa mga aktibidad ng grupo.
Photo credit: House of Representatives Official Website