Maanghang ang mga salitang binitawan ni SAGIP Party-list Representative Rodante Marcoleta kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa isang plenary session sa House of Representatives.
Nagsimula ang issue nang magpahayag si Magalong ng “kalungkutan” sa umano’y hindi pagpayag ng mga mambabatas na ibigay ang kanilang discretionary funds, na karaniwang kilala bilang “pork barrel,” sa gitna ng tumataas na utang ng bansa at mga problema tungkol sa mga pensiyon ng militar at uniformed personnel (MUP).
Komento pa niya kay Marcoleta sa isang interview na, “Huwag ho kayong makialam sa Baguio, kasi hindi nyo ho lugar ang Baguio. Mayroon ho kayong dapat pakialaman. Pakialaman nyo ho ang inyong distrito at pakialaman nyo siguro ang korapsyon na nangyayari dyan.”
Bilang tugon, mariing ipinagtanggol ng mambabatas ang karangalan ng Kongreso at pinuna ang mga pahayag ni Magalong. Kinuwestiyon din niya ang moral integrity ng retiradong heneral ng pulisya para akusahan ang mga mambabatas.
“It is as if the good mayor of Baguio wants to proclaim himself as the night and shining armor, armed with a silver bullet, to address corruption in this country,” ayon kay Marcoleta.
Hinamon din niya si Magalong at ilang mga kasamahan sa pulisya na mag-ambag ng makatwirang bahagi ng kanilang mga pensiyon upang matugunan ang mga problema sa national budget.
Ipinunto ng kongresista ang audit findings, na ibinubunyag na ang mga development projects na nagkakahalaga ng P943 milyon na priyoridad ng Baguio City ay hindi pa naipatupad, at may mga hindi naayos na mga disallowance at mga singil na may kabuuang P235 milyon. Kinuwestiyon din niya ang utilization rate ng Local Disaster Reduction Management Fund, at hinamon kung bakit nanatiling hindi nagastos ang malaking time deposit na P4.3 bilyon.
“Huwag po nyang sasabihin na huwag pakialaman ang Baguio dahil hindi naman sa kanya ang Baguio,” tugon ni Marcoleta kay Magalong.
Pinaalalahanan din niya si Magalong na may awtoridad ang Kamara na ipatawag ang mga opisyal ng Baguio bilang bahagi ng oversight function nito. Iginiit ng mambabatas na may karapatan silang tugunan ang mga isyu hinggil sa lungsod.
Photo credit: Facebook/magalongbenjie, House of Representatives Official Website