Muling binanatan ni Senador Risa Hontiveros ang tila nakaw na pagkakakilanlan ni suspended Bamban, Tarlac City Mayor Alice Guo matapos makita ang parehong personal data nito sa isang Filipino citizen.
Mula sa pangalan hanggang sa araw ng kapanganakan, isiniwalat nina Hontiveros at Senador Win Gatchalian na may mga nakalap silang kaparehong impormasyon ni Guo sa isa sa mga nakatirang Pilipino sa bansa.
“[I]t appears that the name Alice Guo was stolen from a Filipino. Hindi lang citizenship ang ninakaw, pati identidad ng isang kababayan natin. Si Guo Hua Ping ay isang Chinese citizen na ang parehong magulang ay Tsino. And this is based on official records from BOI. As well as Alice Guo’s own declaration in bank documents,” sambit ni Hontiveros.
Dahil dito, tila naging palaisipan kung “coincidence” lamang ba ito o talagang nakaw ang pagkatao na ginagamit ni Guo para makapasok sa bansa.
Upang bigyang-linaw ang isyung ito ng “stolen identity,” muling nanawagan si Hontiveros na dumalo si Guo sa mga susunod na Senate hearing at binanatan niya ito na kung hindi magpapakita ay mananagot na siya sa batas.
“Kailangan harapin ni Alice Guo ito sa susunod nating mga hearing. Mayor Alice, or should I say Guo Hua Ping, if you do not honor the subpoena, I will cite you in contempt.”
Aniya, hindi na tama na tila nagiging palaisipan ang kanyang tunay na pagkatao at lalo itong tumatagal sa kanyang hindi pagsagot sa mga tanong na ibinabato sa kanya.
“Pinaglalaruan niyo ang batas. Pinaglalaruan niyo ang mga Pilipino. Ginagawa niyong commodity ang Filipino citizenship.”
Dagdag pa ni Hontiveros, hindi sila titigil na kalkalin kung sino man ang posibleng “protector” ni Guo sa bansa para makapagtago siya ng matagal at magkaroon pa ng posisyon bilang opisyal ng gobyerno.