Inanunsyo ni La Union Governor Rafy Ortega-David sa social media na nilagdaan ng lalawigan ang isang memorandum of agreement (MOA) kasama ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para pormal na itatag ang Home for the Elderly sa lugar. Ang proyekto ay naglalayong magbigay ng komportable at ligtas na tahanan para sa mga indigent senior citizen sa La Union.
“This project is very close to my heart dahil po wala po tayo dito ngayon if not for our grandparents and parents, that came before us,” aniya.
Nagpasalamat din si Ortega-David siya sa DSWD sa kanilang suporta sa proyekto.
Ang pagtatayo ng Home for the Elderly sa La Union ay magbibigay ng lugar para sa mga matatanda na mamuhay nang may dignidad at ginhawa. Binigyang-diin ng gobernador na pinahahalagahan ng lalawigan ang pangangalaga ng mga senior citizen at nasasabik sila sa mga kagamitang ilalagay para mas maging komportable ang mga nakatatanda.
“Lagi’t-lagi po nating bibigyan ng halaga ang pangangalaga sa ating mga senior citizens,” aniya.
Ang anunsyo ay sinalubong ng mga positibong tugon mula sa mga netizens, kung saan marami ang nagpahayag ng kanilang paghanga sa pagsisikap ng gobernador sa pagbibigay ng pangangalaga sa mga matatanda.
Photo credit: Facebook/GovRafy