Aminadong takot si Senador Imee Marcos sa nakaambang na pagsalakay umano ng China gamit ang mga hypersonic missile na aniya’y makakasira sa 25 na probinsya sa bansa.
Sa kanyang Facebook post, sinabi ni Marcos na kabado siya sa posibleng mangyari sa bansa matapos niyang malaman ang plano umano ng China na pagpapakawala ng hypersonic missile sa bansa.
Aniya, ganito raw ang plano ng China dahil bukod sa agawan sa West Philippine Sea, nakikita nila ang tila pagkampi ng Pilipinas sa Estados Unidos sa pagbibigay ng mga base-militar dito.
“Hindi naman nila iniisip na lulusob dito sa Pilipinas yung katakot-takot na army nila, mga Navy nila. Hindi ganun. Ang plano air at ang plano yung hypersonic missile.”
Dagdag pa ni Marcos, mayroon ng Brahmos missiles sa mahigit kumulang 25 na lugar sa bansa tulad ng Batanes, Subic, at Ilocos.
“[N]akatakda na yung 25 na target nila. Kitang-kita na. Ang sabi ng US, hindi raw nila kaya labanan yung hypersonic missile. Mas lalo akong ninerbyos.”
Dahil dito, naalarma na ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at nangakong babantayan ang sinasabing mga “potential areas” na sinasabi ni Marcos kaugnay ng hypersonic missiles na ipapakawala ng China.
“We are ready to coordinate with Senator Marcos to obtain details and take appropriate actions to ensure our nation’s security,” saad ng AFP.