Buong tapang na nanawagan si Senator Imee Marcos sa kanyang mga kababayan na magbuklod at isantabi ang pulitikal na alitan para sa mas epektibong solusyon sa mga suliraning kinakaharap ng bansa—mataas na presyo ng bilihin, kawalan ng trabaho, at suporta sa mga nasa laylayan ng lipunan.
“Isang bansa, isang diwa. Isantabi ang lahat ng gulo upang marinig ang kalam ng sikmura ng mamamayan,” ani Marcos sa isang kampanya sa Laoag City nitong Martes.
Tuloy Ang Legasiya Ng Pamilyang Marcos
Ipinangako rin ni Marcos na ipagpapatuloy ang mga reporma sa imprastraktura, agrikultura, at kalusugan na sinimulan ng kanyang ama, ang dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr., at ng kanilang pamilya sa Ilocos Norte.
Partikular niyang binigyang-diin ang pagpapalawak ng Ilocano Highway na magdudugtong sa Apayao, Cagayan, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Benguet, Pangasinan, Baguio City, at Cagayan upang mapalakas ang ekonomiya ng rehiyon.
“The Solid North is real, it’s concrete!” madiing pahayag ni Marcos habang pinalakpakan ng kanyang mga taga-suporta.
Magsasaka, Sagot Ang Suporta
Hindi rin nakalimutan ng senadora ang sektor ng agrikultura, kung saan iginiit niya ang agarang pagbibigay ng tax-free fertilizers, mas maayos na irigasyon, at buwanang allowance para sa mga magsasaka.
“Bigyan ng sapat na suporta ang mga tatang nating magsasaka upang makaraos sa mga bukid,” aniya. Dagdag pa niya, naipamahagi na sa ilang land reform beneficiaries ang kanilang titulo ng lupa matapos ang limang dekadang paghihintay.
Pantay Na Sahod Para Aa Ilocano
Isa rin sa matinding panawagan ni Marcos ang pagtatakda ng pantay na minimum wage sa Metro Manila at Ilocos, lalo’t mas mataas aniya ang presyo ng gasolina at pangunahing bilihin sa probinsya.
Libreng Ospital At Sweldo Sa BHWs
Sa sektor ng kalusugan, isinusulong ni Marcos ang pagtatayo ng mga espesyalistang ospital sa Ilocos, kagaya ng Philippine Heart Center, Kidney Center, Lung Center, at Children’s Center na naitayo noong panahon ng kanyang ama.
Nanawagan din siya para sa zero hospital balance billing, buwanang sahod para sa barangay health workers (BHWs), at dagdag-ayuda para sa persons with disabilities (PWDs) at single mothers.
“Ang sabi, pinakamahaba ang buhay ng Ilocano. Ngunit siguraduhin natin na ang ating mga lolo’t lola ay malusog, bibo, at masaya,” aniya.
Bago matapos ang kanyang talumpati, pinasalamatan ni Marcos ang mga Ilocano sa patuloy na suporta sa kanyang pamilya at hinikayat silang suportahan ang kanyang muling pagtakbo sa Senado.
“Marcos noon. Marcos ngayon. Marcos pa rin! Imee noon. Imee ngayon. Imee pa rin!” sigaw niya, sabay hataw ng kampanya!
Photo credit: Facebook/pnagovph