Bukas si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga opinyon ng kanyang Gabinete, kabilang na si Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile, kaugnay ng usapin sa impeachment ng isang opisyal ng gobyerno, ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin nitong Huwebes.
Ginawa ni Bersamin ang pahayag matapos magbigay ng babala si Enrile tungkol sa implikasyon ng lohika sa isinagawang nationwide peace rally ng Iglesia ni Cristo (INC). Ang nasabing rally ay para suportahan ang posisyon ni Marcos na tutulan ang posibleng impeachment ni Bise Presidente Sara Duterte.
Sa isang Facebook post, sinabi ni Enrile na maaaring magdulot ito ng “very detrimental precedent,” kung susundin ang lohikang ipinakita sa INC rally.
“There is a bigger question. Can the INC with all its members amend the Constitution or suspend any of its provisions? Are we prepared to discard or sacrifice the value of rule of law for a person or a group of persons?” ani Enrile.
“Are we prepared and ready to face the long-term consequences of that INC move?” dagdag pa niya.
Binigyang-diin ni Enrile na ang impeachment ay “just a constitutional legal process” upang tanggalin sa puwesto ang isang opisyal ng gobyerno kung may sapat na ebidensya laban dito.
Ipinaliwanag din niya na ang opisyal na na-impeach ay “not going to jail by the mere fact of his impeachment.”
Ayon kay Bersamin, nananatili ang paninindigan ni Marcos na hindi pabor sa impeachment ni Duterte ngunit “seriously considers” ang posisyon ni Enrile.
“The President has always nurtured a culture of open ventilation of ideas within the Cabinet. In this way, policymaking is enriched by diverse views resulting in decisions distilled from a wealth of varied experiences, different disciplines, and special expertise of those who contribute,” paliwanag niya.
“It is in this spirit that Secretary Enrile came forward with his views. While his thoughts may carry weight and are always valued, his is one of many that the President seriously considers,” dagdag pa ni Bersamin.
Kasalukuyang nahaharap si Duterte sa mga reklamong impeachment sa House of Representatives dahil sa umano’y paglabag sa Saligang Batas, pagtataksil sa tiwala ng publiko, plunder at malversation, bribery, graft and corruption, at iba pang mabibigat na krimen bilang mga batayan ng impeachment.
Noong Nobyembre ng nakaraang taon, sinabi ni Marcos na ang pag-file ng impeachment complaint laban kay Duterte ay makakaabala lamang sa pamahalaan sa tunay nitong layunin, “which is to improve the lives of all Filipinos.”
Naniniwala rin si Marcos na ang hakbang para i-impeach si Duterte ay isang pag-aaksaya ng oras dahil “none of this will help improve a single Filipino life.”
Photo credit: Philippine News Agency