Naniniwala si Senador Ronald “Bato” dela Rosa na makakarating sa Senado ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Z. Duterte at posible ring magkaron ng pagdinig ukol dito.
Ani dela Rosa , inaasahan na niya ang “worst” case scenario. “Magkakaroon talaga ng impeachment,” sinabi ng mambabatas sa isang virtual press briefing nitong Biyernes.
Giit niya, walang makakapigil sa Kamara kung nais nitong ituloy ang impeachment proceedings.
“Let them do their thing at pagdating dito sa Senado, pag-upo namin as (an) impeachment court, then let us do our thing also,” dagdag pa ni dela Rosa.
Samantala, binigyang-diin niya na ang pagkaltas sa panukalang 2025 budget ng Office of the Vice President (OVP) ng parehong Senado at Kamara ay hindi dapat gawing basehan ng magiging resulta ng impeachment trial.
Kinumpirma rin ni dela Rosa na mahigit 10 senador ang bumoto para dagdagan ang budget ng OVP, pero sa huli, pumayag ang lahat na sundin ang bersyon ng Kamara dahil sa “strong words” mula sa liderato ng Senado.
“Iba tayo pagdating sa impeachment court. Lalabas talaga ang tunay na saloobin ng 24 na senador. May kanya-kanya silang paninindigan,” paliwanag niya.
Samantala, sinabi naman ni Senate President Francis Escudero na obligado ang Senado na umaksyon sa anumang impeachment complaint na ihain sa kanila, kahit pa naka-adjourn ang regular session ng Kongreso.
Photo credit: Facebook/senateph