Binalaan ni House Deputy Majority Leader Janette Garin ang publiko laban sa mga “medical fearmongers” na nagkakalat ng maling impormasyon ukol sa kalusugan. Ayon kay Garin, ang ganitong uri ng disinformation ay nagdudulot ng tinatawag na “infodemics,” na isang seryosong banta sa kalusugan ng publiko.
Sa kanyang pahayag, binanggit ni Garin ang umano’y paninira ni Dr. Tony Leachon, na nagpadala ng open letter kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang ipahayag na hindi prayoridad ng administrasyon ang healthcare system.
“Pinaglalaruan lang ang mga Pilipino ni Tony Leachon dahil karamihan sa kanyang sinasabi ay pawang twisted information,” ayon kay Garin. Tinutukoy din niya ang isang court ruling na hindi kinilala si Leachon bilang medical expert, ngunit patuloy itong nagpapakalat ng maling impormasyon online, na nagiging sanhi ng infodemic.
Ayon sa World Health Organization (WHO), ang infodemic ay tumutukoy sa sobrang dami ng impormasyon — kabilang ang maling impormasyon — na nagdudulot ng kalituhan at nagiging sanhi ng hindi tamang reaksyon ng publiko, lalo na sa panahon ng outbreak ng sakit.
Hinimok ni Garin ang publiko na maging mapanuri sa mga impormasyon na kanilang tinatanggap, at huwag basta-basta magpapaniwala sa mga hindi beripikadong ulat. Mahalaga ang tamang kaalaman upang maiwasan ang panic at maling desisyon sa mga mahahalagang isyu tulad ng kalusugan.
Photo credit: Facebook/HouseofRepsPH