Binasura ni Senador Win Gatchalian ang paratang kay Senador Lito Lapid na siya ay sangkot sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) operations sa Pampanga dahil aniya walang sapat na ebidensya laban sa kanya.
Nag-ugat ang nasabing isyu nang idawit si Lapid ng isang vlogger na may kinalaman daw umano sa POGO operations sa nasabing lalawigan.
Ngunit nauna nang sinagot ni Porac Mayor Jaime Capil na hindi hawak ni Lapid ang sampung ektaryang lupain sa Pampanga kung saan nakatayo ang POGO hub na pinapatakbo ng Lucky South 99 Outsourcing, Inc.
Sinuportahan naman ni Gatchalian ang impormasyon na ito at sinabing kumbinsido siya na walang kinalaman si Lapid sa isyu na ito.
“Hindi naman porke’t taga-Porac, Pampanga si Lapid ay otomatikong may kinalaman na siya sa illegal POGO operations sa kanilang bayan.”
Aniya, maaring paninira lamang ito sa imahe ni Lapid at hindi dapat basta-bastang pinaniniwalaan hangga’t walang sapat na ebidensya.