Isa sa mga pangunahing isyung lumitaw sa imbestigasyon kaugnay sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) ay ang talamak na paggamit ng pekeng birth certificates sa pamamagitan ng late registration, ayon kay Senador Sherwin Gatchalian.
Binigyang-diin ng senador na dahil sa butas na ito, nagagawa ng mga dayuhan na maging “instant Filipino” nang hindi dumadaan sa tamang proseso ng naturalization. Sa ganitong paraan, nakakapagbukas sila ng negosyo at nakakabili ng mga ari-arian sa bansa nang ilegal.
Nanawagan si Gatchalian na agarang ma-track down at maipawalang-bisa ang mga pekeng birth certificates upang matanggal ang legal na batayan ng mga dayuhang sangkot sa mga ilegal na gawain sa Pilipinas.
Sa parehong usapin, inanunsyo ng Office of the Solicitor General (OSG) ang hakbang nito na kanselahin ang lahat ng pekeng birth certificates na nakuha sa pamamagitan ng panloloko, kasunod ng pagpapatigil sa operasyon ng mga POGO.
Ayon kay Solicitor General Menardo Guevarra, tututukan ng OSG ang pagtukoy at pagkansela sa mga pekeng dokumento. Bukod dito, layunin din nilang kumpiskahin ang mga ari-arian at iba pang assets na nakuha nang ilegal ng mga dayuhan.
Photo credit: PSAHelpline.ph website