Nagbabaga ang panawagan ng Akbayan Partylist at Atin Ito Coalition: Ituro ang kasaysayan at kahalagahan ng West Philippine Sea sa mga paaralan. Ito ang mariing iginiit ng grupo sa isang press conference matapos ang insidente ng pangha-harass ng Chinese naval helicopter sa isang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) aircraft.
Ayon sa Akbayan Partylist First Nominee na si Atty. Chel Diokno, kailangang lumaban ang gobyerno sa paglaganap ng maling impormasyon tungkol sa West Philippine Sea.
“Mahalaga na ituro ang kasaysayan at geography ng West Philippine Sea sa ating mga paaralan para maitanim sa ating mga isipan na atin ang West Philippine Sea.”
Kasama sa kanilang panukala ang pagbibigay ng Executive Order para gawing mandatory ang pagtuturo ng isyu ng West Philippine Sea, ang paglikha ng isang West Philippine Sea Institute para sa maritime research at edukasyon, at ang pagtatalaga ng July 12 bilang National West Philippine Sea Victory Day bilang paggunita sa tagumpay ng Pilipinas sa 2016 Arbitral Tribunal ruling.
Pagdiriwang Ng Tagumpay
Iginiit naman ni Akbayan Representative Perci Cendaña, may-akda ng House Resolution 2234, na ang pagdiriwang ng ating tagumpay sa arbitral ruling ay isang malinaw na hakbang ng paglaban sa pang-aabuso ng China.
“Itong anibersaryo ay hindi lang pagkilala sa ating diplomatic at legal victory, kundi sa tapang ng ating mga frontliners na nagtatanggol sa ating karagatan,” ani Cendaña.
Apat-na-pagsubok Sa Mga Kandidato: Ikaw Ba Ay Pro-west Philippine Sea?
Bilang gabay sa mga botante, inilabas ng grupo ang isang 4-way test upang matukoy kung tunay na Pro-West Philippine Sea ang isang kandidato:
- Walang koneksyon sa mga pro-China policies ng nakaraang administrasyon.
- Patuloy na ipinagtanggol ang 2016 Arbitral Tribunal Victory ng Pilipinas.
- Sumusuporta at nagtatanggol sa mga mangingisdang Pilipino laban sa panggigipit ng China.
- May konkretong plano sa pagpapatibay ng civilian presence sa West Philippine Sea.
“Matapang na hinaharap ng ating frontliners ang pwersa ng China sa West Philippine Sea, mahalaga na ganoon rin ang uri ng katapangan na pinamamalas ng ating mga iluluklok na public officials,” ayon kay Akbayan Youth Secretary-General Khylla Meneses.
Suportado Ng Mga Eksperto
Dumalo rin sa event si Former Supreme Court Justice Antonio Carpio, na nagbigay ng kasaysayan at legal na pundasyon ng ating pag-aangkin sa West Philippine Sea. Present din si Atin Ito Coalition Co-convenor Ed Dela Torre, na nagbigay ng updates sa posibleng ikatlong civilian-led resupply mission sa West Philippine Sea.
Photo credit: Philippine Information Agency website