Dumalo si Vice President Sara Duterte sa pagdiriwang ng ika-39 na anibersaryo ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) sa kabila ng kinasasangkutang kontrobersiya ng sekta at ng pinunong nitong wanted fugitive na si Apollo Quiboloy.
Sa kanyang speech, binanggit ng bise sa mga tagasunod ng religious group na pinayuhan siyang huwag dumalo sa pagdiriwang ngunit pinili pa rin niyang magpakita rito. Inulit din ni Duterte ang kanyang naunang paghingi ng paumanhin sa kanila sa pagkumbinsi sa KOJC na suportahan ang noo’y kandidato sa pagkapangulo na si Bongbong Marcos Jr.
Tumakbo sina Pangulong Marcos at Duterte noong 2022 bilang magka-tandem sa ilalim ng banner ng Uniteam, ngunit naghiwalay na sila pagkatapos lamang ng dalawang taon sa kapangyarihan.
Inilarawan din ng bise ang isang linggong standoff sa pagitan ng pulisya at ng mga tagasunod ni Quiboloy bilang isang krisis at kalamidad.
Nakiusap din siya sa mga miyembro ng sekta na turuan ang mga pulis tungkol sa kasalukuyang kalagayan ng kanilang bansa, at binigyang-diin ang kawalan ng panuntunan ng batas. Iminungkahi ni Duterte na kung ang mga pulis ay naroroon upang magtanim ng takot, ang mga miyembro naman ng KOJC ay ipinadala ng Diyos upang maliwanagan sila.
Nilinaw pa ni niya na ang isyu ay hindi tungkol sa mga personal na salungatan kundi tungkol sa pag-abuso sa kapangyarihan at paglabag sa mga kalayaan sa relihiyon.
Binanggit pa ng bise sa mga miyembro ng KOJC na habang nagtitiis sila ng siyam na araw ng pag-atake, inaatake din ang Office of the Vice President (OVP) – tila pinapatungkulan ang kontrobersyal na House of Representatives hearing para sa OVP budget.
“I am not in that level of spiritual enlightenment that l can love my enemies. Wala pa ako sa inyong level.. I cannot bring myself to love them,” dagdag niya.
Photo credit: Facebook/MayorIndaySaraDuterteOfficial