Matinding sagutan ang sumiklab sa pagitan nina Vice President Sara Duterte at Senador Risa Hontiveros patungkol sa kontrobersiyal na 2022 Office of the Vice President Confidential Fund (2022 OVP CF).
Sa social media, ipinahayag ni Duterte ang kanyang pagpapahalaga sa mga taong sumuporta sa integridad ng kanyang opisina sa gitna ng kontrobesiyang hinarap nito dahil sa 2022 OVP CF. Ito ay sina Pangulong Bongbong Marcos, Executive Secretary Lucas Bersamin, at Defense Secretary Gilbert Teodoro.
Nakatanggap din ng pasasalamat si Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo dahil sa pagharap niya sa mga indibidwal na, ayon sa pangalawang pangulo, ay dalubhasa na sa paggawa ng kasinungalingan.
“These efforts are genuinely appreciated because they help counter the lies told by Rep. France Castro and the Makabayan bloc in Congress on the 2022 OVP CF.”
Hindi rin siya nagpapigil sa pagbatikos kay Hontiveros at Makabayan bloc sa Kongreso dahil sa kanilang diumanong walang basehang akusasyon laban sa pondo.
“Senator Risa Hontiveros, while she amuses the nation with her flair for drama, could only wish the 2022 OVP CF was accessed illegally.”
Binansagan ni Duterte ang mga pahayag na ito bilang “dirty imagination” at ipinahayag ang kanyang paniniwala na ang patuloy na pagpapalaganap ng mga kasinungalingang ito ay nagdudulot ng pagkasira ng loob sa Kongreso at Senado.
Hinimok niya ang publiko na huwag seryosohin ang mga alegasyon na ito, at idiniin na ang OVP at Department of Education (DepEd) ay magpapatuloy, mabibigyang-katwiran, at magsusumikap para sa kanilang mga adhikain para sa mamamayang Pilipino at sa bansa.
Sinagot naman ito ni Hontiveros at sinabing, “Trabaho lang, walang drama.”
“Akala ko ba, VP Sara, the OVP can live without confidential funds? Bakit parang pinapawisan na yata kayo dyan, budget hearing pa lang? Lahat naman ng ahensya naglalabas ng proposed budget. Hindi kayo special,” dagdag niya.
Hamon din ng mambabatas ay depensahan ni Duterte ang confidential funds kung may kumpyansa talaga sya sa transparency at pagiging lehitimo ng nasabing pondo.
Hindi rin nagpapigil si Hontiveros pagdating sa pagbatikos sa OVP, aniya, “Napakababa na yata ng standards ngayon sa OVP. Gagawin mo lang ang trabaho mo, ‘amusing’ na agad? Kung meron mang ‘amusing,’ yan ay yung halos kalahating oras na turo-turo, pag-iwas sa tanong, paikot-ikot na sagot, at pagbabalu-baluktot ng sitwasyon. Ginawa nilang perya ang basic na proseso ng pagbusisi ng pera ng bayan.”
Binigyang-diin din ng senador na hindi niya kailangang hilingin ang anumang ilegal na pag-access sa mga confidential funds ng OVP. Binanggit niya ang opinyon ng dalawang dating Senate President na sina Sen. Franklin Drilon at Koko Pimentel, na iginiit na ilegal at labag sa Konstitusyon ang paglilipat ng pondo mula sa Office of the President sa OVP.
“At higit sa usapin ng batas, huwag ilihis sa tunay na issue: Si Vice President Duterte lang – bilang VP at Secretary ng DepEd – ang may confidential funds na mas malaki pa sa combined confidential funds ng DND (Department of National Defense) at NICA (National Intelligence Coordinating Agency),” dagdag ni Hontiveros.
Kinuwestiyon din niya ang pangangailangan ng naturang malaking pondo nang walang tamang pag-audit o pagsisiwalat sa publiko.
Bilang isang taxpayer, binigyang-diin ng mambabatas na inaasahan niya ang competency at transparency sa mga opisyal ng gobyerno pagdating sa fiscal matters.
“Kaysa sa mga personal na atake at pag-iwas sa tanong, mas maganda sigurong kung linawin na lang si VP Sara ang pondo ng opisina nya para sa isang national budget na mas transparent, mas epektibo, at mas tutugon sa pangangailangan ng ating mga kababayan,” pagtatapos ni Hontiveros.
Photo credit: Facebook/MayorIndaySaraDuterteOfficial, Facebook/senateph