Ikinatuwa ni Senador Lito Lapid ang pagbisita ni Japanese Prime Minister Kishida Fumio sa Pilipinas sa gitna ng maraming hamon na kinakaharap ng ating mundo sa kasalukuyan.
Itinuring niya ang pagbisita ni Kishida bilang simbolo ng malalim na pagkakaibigan at mas matibay na relasyon sa pagitan ng Japan at Pilipinas.
“Sa panahon ngayon na maraming hamon ang kinakaharap ang ating mundo, kailangan natin ng mga tapat na kaibigan na maasahan at masasandalan na tumulong sa pagtatanggol sa ating demokrasya at soberenya,” aniya sa isang pahayag.
Umaasa rin ang mambabatas na ang pagbisitang ito ni Kishida ay higit na magpapatibay sa ugnayan sa pagitan ng mga bansang kumikilala sa halaga ng demokrasya at pag-iral ng batas.
Inaasahan din niya na lalawak ang relasyon ng Pilipinas at Japan sa ekonomiya at kalakalan sa mga susunod na taon.
“Sa matagal na panahon po ay naging mabuting katuwang natin ang bansang Hapon sa maraming proyekto na para sa ikasusulong ng ating ekonomiya,” dagdag ni Lapid.
Higit pa rito, binigyang-diin niya na ang Pilipinas ay kaisa ng maraming bansa sa paghahanap ng mapayapa at patas na resolusyon sa iba’t ibang isyu na nakakaapekto sa ating bansa at sambayanang Pilipino sa buong mundo.
Photo credit: Facebook/SupremoSenLapid