Ibinuking ni Senador Jinggoy Estrada na isa rin umanong public official ang ka-relasyon si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo base sa nakalap ng kanyang mga “bubwit.”
Sa isang session ng “Kapihan sa Senado,” pa-suspense na sinabi ni Estrada na may nalalaman siyang impormasyon tungkol sa aniya ay ka-relasyon ni Guo na nagtatrabaho rin sa gobyerno.
“Her partner is a public official. Mayor ng isang maliit na bayan sa Pangasinan and according to my bubwit ay siya yung nagpapatakbo ng POGO (Philippine Offshore Gaming Operator) operations allegedly owned kay Mayor Alice Guo doon mismo sa Bamban.”
Pahiwatig pa ng mambabatas, sigurado ang kanyang intel na hindi parte ng Senado ang kanyang kinakasama ni Guo kundi isang incumbent mayor sa Pangasinan.
Ngunit tila nagpabitin siya sa inilantad na impormasyon at sinabing papangalanan lamang niya ito kapag may pormal nang imbestigasyon na maiuugnay sa kanya tungkol sa Philippine offshore gaming operator o POGO operations sa bansa.
Kaugnay nito, nanindigan si Estrada na makikipagtulungan sa mas malalim na imbestigasyon kay Guo para makita kung may relasyon nga ba talaga siya sa paglitaw muli ng mga POGO.
“I don’t have any information yet but since it’s an executive session they might divulge issues against Mayor Guo na it might concern national interest,” aniya.
Dagdag pa ng senador, magandang nagkaroon ng anim na buwan na suspension si Guo sa kanyang puwesto bilang mayor para hindi niya magamit ang kanyang impluwensiya habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Isa si Estrada sa mga mariing nagsusulong sa pagpapaalis ng mga POGO sa bansa.