Sa botong 276, inaprubahan ng House of Representatives sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na nagbibigay sa Pangulo ng kapangyarihan na suspindihin ang pagtaas ng premium ng mga “direct contributor” ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).
Sa isang pahayag, sinabi ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, ang punong may-akda ng House Bill No. 6772, na malaki ang matitipid ng milyun-milyong manggagawa sa gobyerno at pribadong sektor, propesyonal, self-employed, at iba pang mga PhilHealth contributor sa pagsususpinde sa taas-kontribusyon.
Aniya, ang mga daily wage earner at maraming empleyado, na binubuo ng mayorya ng mga miyembro ng Philhealth, ay makakatipid ng hindi bababa sa P50 kada buwan o P600 kada taon mula sa kanilang health insurance premium payment kung masuspinde ang adjustment.
Ang mga kumikita ng mas malaki ay natural na mas makakatipid, sabi ni Romualdez.
“Suspending the imposition of the new PhilHealth premium rates will provide a much-needed relief during national emergencies or calamities and will assure Filipinos that the government is sensitive to their sentiments in this difficult time,” aniya at ng kanyang mga kapwa may akda ng panukala.
Sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 11223, o Universal Health Care Act, tataas ang kontribusyon mula 4 na porsyento noong nakaraang taon hanggang 4.5 porsyento ngayong taon, o mula sa pinakamababang buwanang premium na P400 hanggang P450. Tataas pa ang rate sa 5 porsyento simula sa susunod na taon.
Ang panukala ay mag-aamyenda sa RA 11223, na pinagtibay noong 2018. Ang iba pang may akda nito ay sina Majority Leader Jose “Mannix” Dalipe, Senior Majority Leader at Ilocos Norte Representative Ferdinand Alexander Marcos, at Reps. Yedda Marie Romualdez at Jude Acidre ng party-list group na Tingog Sinirangan.
Iginiit ni Romualdez at ng kanyang mga kasamahan na mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay sumuporta sa mga panawagan na ipagpaliban ang pagtaas ng Philhealth premium ngayong taon.