Nanindigan si Gabriela Women’s Party-list Representative Arlene Brosas na magiging boses ng mga kababaihan sa bansa matapos ihayag na tatakbo siya sa darating na senatorial elections sa susunod na taon.
Sa isang press conference, sinabi ni Brosas na nais niya na mabago ang mga maling gawain sa gobyerno at wakasan na ang pangmamaliit sa katayuan ng kababaihan sa bansa.
“Ang mga namumuno sa atin [ay] walang pakialam at pangsariling interes lamang ang kanilang ginagawa at kanya-kanya silang bangayan.”
Saad ni Brosas, tatayo siya bilang isa sa mga magtataguyod na baguhin at linisin ang pamamalakad sa bansa para magkaroon ng patas na pagtingin sa taumbayan.
“Bilang alternatiba sa pare-parehong inihahalal sa senado. Bilang alternatibo sa korupt, taga-sunod, at makadayuhan, ako po si Arlene Brosas — kagaya niyo, na naghahangad ng pagbabago ay hindi mananahimik at manonood lamang […] lalahok tayo sa kampanya para sa Senado.”
Dahil dito, nanawagan si Brosas ng suporta sa kanyang laban hindi lamang para sa kanya ngunit para na rin sa bansa.
“Bitbit natin ang agenda ng kababaihan, bata at bayan. Bitbit natin ang politika ng pagbabago, bitbit natin ang tiwala at suporta ninyo. Handa na tayo sumuong sa eleksyong 2025.”
Matatandaang si Brosas ay tumakbo noong 2019 mid-term elections ngunit bigong makakuha ng puwesto sa Senado dahil na rin sa pagkaka-red-tag sa kanilang partido.