Nais isulong ni House Deputy Majority Leader Janette Garin ang libreng pagproseso para sa annulment bilang alternatibong solusyon kung sakaling hindi maisabatas ang absolute divorce bill. Iminungkahi ito ni Garin upang mas maging “accessible” ang annulment sa mga Pilipino.
Aniya, ito ang maaaring maging solusyon sa “irreparably broken marriages” na nais wakasan ng divorce bill.
“Kung in case na hindi siya mapasa dahil medyo patas ang takbo sa Senado, pwedeng gawin diyan ay gawing libre ang annulment. Dapat walang ganoon kalaking gastos. Sa hirap ng buhay gagastusan mo pa ba ‘yung annulment? Dahil dito, nagiging tiis-tiis na lang.”
Kahit na isa si Garin sa sumang-ayon sa pagsulong ng absolute divorce bill, nais pa rin niyang magkaroon ng alternatibong solusyon kung sakaling hindi ito maaprubahan.
Saad niya, patas na pagboto pa rin ang dapat tignan para malaman kung maisasabatas pa ito o hindi. “Depende ‘yan sa bawat legislator. May kanya-kanyang paniniwala, ‘yung iba sinasabi may annulment naman. Marami ang may kanya-kanyang pananaw.”
Matatandaang ang divorce bill ay umakyat na sa final reading sa Kamara at umani ng sari-saring pahayag sa mga senador. Batay sa naging desisyon sa Kamara, 131 affirmative votes, 109 negative votes, at 20 abstentions ang natanggap nito.
Ang nasabing divorce bill ay sinasabing solusyon sa tumataas na kaso ng mga nakakaranas ng pang-aabuso sa buhay may-asawa. Sa buong mundo, ang Pilipinas at Vatican City na lang ang natitirang bansa na walang pang batas para sa diborsyo.