Kinumpirma ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa na namahagi si Sen. Christopher “Bong” Go, dating senior aide ni dating pangulong Rodrigo Duterte ng cash allowance sa mga pulis pero niliwanag din niya na ang nasabing pera ay para sa allowance at operational expenses, at hindi pabuya para sa umano’y pagpatay sa mga drug suspect.
“Pinapabigay talaga ni Go ng pera noon pa sa Davao dahil inutos ito ni Duterte,” aniya sa isang phone interview. Ang pahayag ng mambabatas ay bahagyang kumpirmasyon ng pahayag ni dating police colonel Royina Garma sa House of Representatives na nagsabing inutos umano ng dating pangulo na magkaroon ng “reward system” para hikayatin ang mga pulis na pumatay ng drug suspects.
Paliwanag ni dela Rosa, tuwing may command conference, binibigyan ang mga station commanders ng kaunting pondo para sa travel at operational expenses.
Dagdag pa niya ang pagbibigay ng allowance sa mga station commanders ay routine na noon pang mayor ng Davao si Duterte na pinagpatuloy lamang hanggang siya ay maupo na bilang presidente.
“Si Go naman ang nag-supervise ng pamamahagi ng allowances noong siya pa ang special assistant,” ani dela Rosa.
Nagsilbing Philippine National Police chief si dela Rosa noong Duterte administration at pinangunahan ang Oplan Tokhang, isang kampanyang nagresulta daw sa libu-libong extra judicial killings (EJKs).
Isiniwalat ni Garma na nagbigay umano ang dating pangulo ng cash rewards—hanggang P1 milyon—para sa bawat napatay na drug suspect. Ayon kay Garma, ginamit umano ni Duterte ang “Davao model” para sa nationwide drug war.
Ngunit itinanggi ito ni dela Rosa. “Ngayon ko lang narinig ang ‘Davao model,’ ang alam ko lang ay Tokhang dahil iyon ang brainchild ko,” aniya.
Ayon sa datos ng gobyerno, nasa higit 6,200 ang namatay sa drug war, pero ayon sa human rights groups, mahigit 20,000 ang totoong bilang ng mga nasawi mula 2016 hanggang 2022.
Samantala, nagpahayag kamakailan ng suporta ang Marcos administration sa muling pagbubukas ng imbestigasyon sa ilang cold cases ng EJKs. Ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin, ipinapakita ng administrasyong Marcos ang “mataas na pagpapahalaga sa hustisya at rule of law” sa bansa.
Samantala, si Edilberto Leonardo, dating commissioner ng National Police Commission, ay nagpaparamdam ng intensyon na sumunod sa yapak ni Garma at isiwalat ang kanyang nalalaman tungkol sa drug war. Ayon kay Laguna Representative Dan Fernandez, maaaring magbigay si Leonardo ng affidavit at posibleng maging malaking dagdag sa mga testimonya ni Garma.
Photo credit: Facebook/senateph