Maluwag na tinanggap ni Vice President Sara Duterte ang budget na binibigay sa kanyang opisina ng Senado para sa fiscal year 2025 kahit pa di hamak na mas mababa ito sa P2 bilyon na orihinal na panukala sa National Expenditure Program (NEP) na pinasa ng Executive Department sa Kongreso.
Ayon sa kanya, tuloy ang kanilang serbisyo kahit magkano pa ang ibigay na budget ng pamahalaan.
“Kami, susunod lang kami kung ano ung budget. Pero kung anuman yung maiwan, tutuloy pa rin kami sa kung ano ‘yung ipagkasya naming na mga pwedeng serbisyo sa ibinigay na budget,” ayon sa bise.
Maaalalang mabilis na inaprubahan ng Senado ang 2025 budget ng Office of the Vice President (OVP) sa loob ng wala pang 10 minuto.
Walang senador ang nagtangkang kwestiyunin ang P733 milyon na budget na iminungkahi ng Senate finance committee, ngunit nagbigay si Senador Bong Go ng apela na ibalik ang orihinal na alokasyon para sa social services ng ahensya.
Ayon sa kanya, isang Duterte ally, ang pagbawas ng pondo ay makakaapekto sa mga serbisyong hatid ng OVP gaya ng tulong sa panahon ng kalamidad, proyektong pangkabuhayan, at mga programa para sa edukasyon at kalusugan.
“Nananawagan po sana ako sa mga kasamahan natin dito na sana po madagdagan o maibalik ang pondo po na naaprubahan sa NEP for 2025. Para naman po makapag-trabaho nang maayos ang ating Bise Presidente na parte po ng Executive Branch of the government. Para naman meron tayong working Vice President at hindi lang po spare tire,” ayon sa mamababatas.
Bago pa man nito, sinabi na ni Senate finance committee chair Grace Poe na hindi pa final ang budget, at nasa kamay ng mga senador kung babawasan o dadagdagan ito.
Ayon kay Poe, ang pagbabawas sa pondo ng OVP ay bunga ng kakulangan sa mga dokumento mula sa OVP, na hanggang ngayon ay hinihintay ng Senado upang matiyak ang pagkakabahagi ng budget.
Photo credit: Facebook/senateph