Hinimok ni La Union Governor Rafy Ortega-David ang mga kabataang kasali sa 2nd La Union Youth Taoid Camp na harapin ang hamon na pangalagaan at itaguyod ang kultura at pamana ng lalawigan.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Ortega-David na ang camp ay hindi lamang tungkol sa pagdugtong ng agwat sa pagitan ng kabataang henerasyon at ng nakaraan, kundi isang perpektong daan para sa mga kabataan upang gunitain at pahalagahan ang mayamang kultura na ipinamana ng ating mga ninuno.
“I am proud of each of you … Learn well, equip yourselves with the best tools, and continue empowering others,” aniya.
“It’s always great to speak in front of young and hopeful Kaprobinsiaan,” sinabi pa ng gobernadora. “Minsan nagugulat pa nga ako na mayroon pang mga mas bata sa akin who are already taking a stand and taking on the challenge of leading and serving the people.”
Ayon sa Provincial Government of La Union, ang kampo, na ginanap noong Mayo 22-26, ay pinagsama-sama ang 20 kabataang heritage advocates at cultural workers mula sa iba’t-ibang lungsod at munisipalidad ng lalawigan. Ito ay naglalayong itaguyod at itaas ang kahalagahan ng pangangalaga ng heritage sa pamamagitan ng pagsali sa mga kabataan sa cultural advocacy.
Photo credit: Facebook/GovRafy