Nanawagan si La Union Governor Rafy Ortega-David sa mga mamamayan ng probinsya na panatilihin ang kalinisan matapos niyang sumali sa coastal clean up noong Holy Week.
Pahayag ni Ortega-David sa social media, muli siyang sumama sa La Union Life Guards para coastal clean ups tuwing Semana Santa o Oplan SumVac upang makatulong sa pagmo-monitor ng kaligtasan ng mga kaprobinsiaan.
“Akala ko nga po hindi na ako makakapunta netong taon kasi medyo busy at naghabol din ng pahinga pero kapagka-hilig po niyo talaga hindi ka magsasawang gawin shout out to LU Lifeguards! Na-miss ko kayong lahat!” aniya.
Sa kabila nito, nagpahayag din ang gobernadora ng pagkalungkot dahil sa nakita nilang dami ng mga basura na nakakalat sa mga tabing dagat ng La Union.
Hiling niya sa mga mamamayan at turista sa probinsya na magtulungan na panatilihin ang kalinisan at kaayusan ng mga karagatan at ng buong La Union na rin.
“Para sa ating lahat naman po ito eh,” pagdidiin ni Ortega-David.
Photo credit: Facebook/GovRafy