Pinangunahan ni La Union Governor Rafy Ortega-David ang isang fundraising activity para makapagbigay ng patubig sa mga malalayong barangay sa lalawigan.
Ayon sa Provincial Government of La Union (PGLU), ang pinakaunang Governor’s Cup: Shoot Fest ay bahagi ng Ayat Festival 2023 bilang pagdiriwang ng ika-173 na anibersaryo ng pagkakatatag ng lalawigan.
Itinampok sa “shoot for a cause” ang mga kasanayan sa pagbaril ng mga uniformed personnel at shooting enthusiast mula sa lalawigan at sa buong bansa.
Ayon sa PGLU, ang fundraising activity – na sinalihan ng 251 kalahok kabilang si Gov. Ortega-David – ay naglalayong suportahan ang “Patubig ng Pulis” Project ng La Union Provincial Police Office na naglalayong makabuo ng mga water supply system sa malalayong barangay ng lalawigan gayundin ang pagbibigay ng malinis at maiinom na tubig at tulong sa mga lokal na magsasaka sa kanilang mga pangangailangan sa agrikultura.
“Grabe ang adrenaline rush noong Governor’s Cup: Shootfest! Sobrang saya at thrilling ang naramdaman ko dahil sa ginanap na Governor’s Cup: Shoot Fest sa Naguituban, San Juan, La Union na parte ng ating #AyatFest2023! Marami pong nag enjoy at nakisali hindi lamang for the experience but also for the cause,” pahayag ni Ortega-David sa social media.
Sinabi ng PGLU na dahil sa positibong feedback, mataas na bilang ng mga kalahok, at malaking halaga na nalikom para sa Patubig Project, si Ortega-David ay nakatuon na sa pag-oorganisa ng parehong aktibidad para sa ibang layunin sa susunod na taon.
“Marami pong salamat sa lahat ng lumahok at nakibahagi sa Shoot Fest. I look forward to the next event!,” aniya.
Photo credit: Facebook/GovRafy