Nangako ang Commission on Elections (Comelec) na reresolbahin nito ang mga kaso ukol sa nuisance candidates bago matapos ang Nobyembre ng taong ito para masigurong hindi makakatakbo ang mga panggulo sa nalalapit na 2025 midterm elections.
“Whether finile ng isang petitioner o ng isang kandidato or finile namin, i-resolve namin sa en banc level para hindi makatakbo ang mga panggulo at malagay ang pangalan sa balota,” saad ni Comelec Chairman George Garcia sa GMA Integrated News noong Sabado.
Ang filing certificates of candidacy (COCs) para sa 2025 polls ay nakatakda mula October 1 hanggang 8, 2024. Sa ilalim ng Comelec Resolution No. 11045, ang mga COCs at mga Certificate of Nomination and Acceptance ng mga aspirants ay sisimulang i-upload ng Comelec simula October 18.
May 18,280 seats na sumasaklaw sa 14 na posisyon sa 254 legislative districts ang bubuksan para sa mga darating na eleksyon.
Ang campaign period para sa mga tumatakbo bilang senador at mga party-list groups ay magsisimula sa Pebrero 11, 2025 hanggang Mayo 10, 2025.
Samantala, ang campaign period para sa mga kandidato para sa House of Representatives, pati na rin ang parliamentary, provincial, city, at municipal offices ay mula Marso 28, 2025 hanggang Mayo 10, 2025.
Ayon kay Garcia, walang magiging problema sa premature campaigning kahit pa magsimulang magpakitang-gilas ang mga kandidato. “Kanya-kanyang style ng pag-file ng candidacy,” ayon sa chairman.
Dagdag pa niya, tatanggapin ng Comelec ang lahat ng COC, kasama na ang kay Alice Guo, dating mayor ng Bamban, Tarlac, kahit nakakulong ito.
“Kahit pa siya ‘yung nakakulong ngayon na taga-Bamban, tatanggapin namin ang kanyang certificate of candidacy. Kung malalagay ang pangalan sa balota o papayagang makatakbo, ibang usapan ‘yun,” aniya.