Nilinaw ni Partido Demokratiko Pilipino (PDP) President at Palawan 2nd District Rep. Jose Alvarez na walang kinalaman ang partido sa naging komento ng kanilang chairman na si dating pangulong Rodrigo Duterte tungkol kay Pangulong Bongbong Marcos.
Sa isang pagpupulong ng PDP sa Cebu, nabanggit ang mainit na isyu tungkol sa pahayag ni Duterte sa pangulo. Ang usaping ito ay klinaro ni Alvarez at sinabing karapatan ng dating pangulo ang magbigay ng kanyang opinyon ngunit hindi dapat ito makaapekto sa imahe na mayroon sila bilang isang organisasyon.
“Our party chairman right now, being a former president, can say anything he wants. But us in the party hierarchy, we are consolidators, we are peacemakers, we are the forefront for peace and prosperity of the nation,” ayon sa kanya.
Dagdag pa ni Alvarez, dahil pansariling karapatan ni Duterte ang kanyang pahayag, hindi ito dapat idikit sa kanilang partido kahit na siya ay tumatayong chairman dito. “[T]herefore, whatever other rhetoric above us, please do not involve us.”
Ayon pa sa kanya, hindi rin obligado ang PDP na saluhin at suportahan ang dating pangulo sa anumang pahayag niya na hindi napag-usapan sa loob ng partido dahil ang bawat isa sa kanila ay may karapatang magbahagi ng sarili nilang sentimyento sa bansa.
Sa kabila nito, nanindigan pa rin si Duterte na magiging parte pa rin ng nasabing partido dahil na rin sa pinapakita nitong magandang imahe at moralidad sa taumbayan.
“I am a PDP. I would like to remain a PDP, irrespective of who is the president. […] PDP has a moral stand. Kung [nasaan] ‘yung tama [doon papanig ang PDP],” aniya.
Noong Enero, matatandaang tinawag ng dating pangulo na “bangag” at “adik” si Marcos. Ayon pa sa kanya ay wala sa wisyo ang pangulo dahil na rin sa paggamit niya ng ipinagbabawal na droga.