Pinapasampahan ng kasong kriminal at administratibo ni Leyte Representative Richard I. Gomez si Palompon Mayor Ramon Oñate at ang kanyang asawang si Lourdes dahil sa kanilang diumano’y matinding paglabag sa land at environmental laws.
Ang mag-asawa, kasama ang mga kasabwat na empleyado ng regional office ng Department of Environment and Natural Resources, ay inakusahan na nagdulot ng napakalaking polusyon sa yamang tubig, lupa, at hangin.
Si Gomez, ang may-akda ng House Resolution No. 778 na nag-udyok ng House inquiry, ay hinihimok ang House Committee on Natural Resources na gumawa ng isang komprehensibong ulat na nagrerekomenda ng paghahain ng mga kaso sa Office of the Ombudsman.
“I recommend that with these offences, the Committee would come up with a report and a conclusion that we will file this to the Ombudsman,” aniya sa isang pahayag.
Partikular na pinuntirya ng mambabatas ang DBSN Farms Agriventures Corporation, na pinamumunuan ni Oñate, na diumano ay malaki ang ginawang polusyon sa mga munisipalidad ng Palompon at Albuera kung saan ito nag-ooperate.
Isiniwalat kamakailan ng isang pag-aaral na isinagawa ng University of Santo Tomas’ College of Science ang lawak ng polusyon na dulot ng DBSN Farms. Kontaminado ang tubig ng Ormoc Bay ng mga solid waste mula sa planta ng chicken dressing ng kumpanya sa Albuera, kabilang ang mga patay na manok, bituka, at iba pang materyales. Higit pa rito, ang mga solidong basura mula sa planta ng Albuera ay iligal na dinadala sa Palompon at itinapon sa loob ng Palompon Watershed at Forest Reserve.
Itinuon din ni Gomez ang kanyang atensyon sa Landbank of the Philippines, at hinimok ang bangko na kanselahin ang mga utang na kinuha nina Ramon at Lourdes Oñate, na may kabuuang P50 milyon. Nananawagan siya na sampahan ng kasong estafa si Oñates at DBSN Farms dahil sa umano’y kanilang panloloko.