Binatikos ni Senador Raffy Tulfo ang Department of Transportation (DOTr) at ang Philippine National Police (PNP) dahil sa umano’y kanilang kapabayaan at sa pagbibigay ng “VIP treatment” sa isang SUV driver na nakuhanan ng video na nag-counterflow sa EDSA busway noong Hulyo 28.
Agad din siyang nanawagan para sa agarang pagsuspinde sa driver’s license nito.
Nagalit ang mambabatas nang mabunyag na imbes na arestuhin at ikulong si de Vera ay pinasakay pa ng mga tauhan ng DOTr pauwi sa condominium unit nito sa BGC, Taguig City. Kinuwestiyon din niya kung bakit hindi dinala sa himpilan ng pulisya ang driver at kinasuhan sa ilalim ng Anti-Drunk and Drugged Driving Law.
Nagpahayag din ng pagkadismaya ang senador sa aniya ay mabagal na imbestigasyon ng DOTr sa insidente. Iniutos niya sa ahensya na patawan ng parusa ang tatlong tauhan ng DOTr na nag-escort kay de Vera pauwi.
Binatikos din ni Tulfo ang PNP sa hindi pagkilos ng mga tauhan nito na tumugon sa insidente.
Iginiit niya na patawan ng PNP ng disciplinary action ang tatlong pulis na sangkot dito. Nangako siyang subaybayan ang usapin sa susunod na pagdinig ng komite sa Agosto 20.
Photo credit: Facebook/senateph