Pinuna ni Senador Alan Peter Cayetano ang outdated na case rates ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na hindi na tumutugma sa mataas na inflation rate at patuloy na tumataas na gastusin sa kalusugan. Sa Senate plenary debate para sa 2025 budget ng Department of Health (DOH), binigyang-diin niya na ang pangako ng gobyerno para sa No Balance Billing (NBB) policy ay halos hindi na natutupad.
“Napag-iwanan na tayo ng presyo… I envy 2013 and 2014 where the case rates were close to the real price and people actually started believing in No Balance Billing. But now it’s a joke!” ayon sa mambabatas.
Ayon sa kanya, imbes na itaas ang coverage rates ng 30 percent ngayong taon, dapat ginamit ng PhilHealth ang kanilang P89-bilyong sobrang pondo para tiyaking libre ang mga pasyente sa ilalim ng NBB.
“Kung sakop na ng case rate ang treatment ko, hindi na dapat ako magbayad pa ng extra. Pero dahil outdated ang case rates, halos imposible ang No Balance Billing,” paliwanag ni Cayetano.
Kinuwestyon din niya ang patuloy na pagtaas ng pondo para sa Medical Assistance to Indigent Patients (MAIP), na tila mas nagbibigay-pansin sa politikal na aspeto kaysa sa scientific solution.
“Napopoliticize tayo. Politicians would rather have patients ask for help at may maibigay sila. Pero kung aayusin ang presyo (sa PhilHealth) at No Balance Billing, hindi na natin kailangan ng ganyang kalaking MAIP. The technocrats and doctors shouldn’t see it that way. You should fix it,” ayon sa senador.
Hinimok ni Cayetano si Health Secretary Teodoro Herbosa na i-update ang PhilHealth case rates para tumugma sa kasalukuyang gastusin sa kalusugan at gawing epektibo ang NBB. “Kung aayusin natin ito ngayong taon, mas gagaan ang sistema para sa lahat,” aniya, na sinang-ayunan naman ni Herbosa.
Photo credit: Facebook/PhilHealthOfficial