Isang panukalang batas na magmamandato sa mga ospital, klinika, medical center, at iba pang medical institutions na magbigay ng libreng medical at dental services sa mga mahihirap na batang wala pang 18 taong gulang ang isinusulong ngayon sa Kamara.
Ang panukalang Indigent Children Free Medical and Dental Service Act ay pinangungunahan nila Davao City Representative Paolo Duterte at Benguet Representative Eric Yap dahil alam nilang ang mga mahihirap na bata ay walang paraan upang makakuha ng mga serbisyong medikal.
Ang libreng medical at dental services ayon sa House Bill 7866 para sa mga batang ang mga magulang o tagapag-alaga ay hindi kayang magbigay ng agarang pangangailangan sa kanilang kalusugan.
“Children are the future of our society. It is a declared policy of the state to provide all possible assistance it could provide to children, especially those who are unfortunate to have no means of support or no one to support them,” ipinunto ni Duterte.
Dagdag niya, ang 1987 Constitution ay nagbibigay-diin sa pangangailangan para sa abot-kayang serbisyong pangkalusugan na magagamit ng lahat.
“Regular health check-ups play a vital role to the children’s development because these check-ups help detect and address health concerns and ensure that a child’s growth and development are on track,” pagbibigay-diin naman ni Yap.
Ang panukalang batas ay nag-uutos sa Department of Health (DOH) na makipag-ugnayan sa pagpapatupad ng libreng medical at dental services sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang matukoy ang mga mahihirap na bata na nangangailangan ng mga serbisyong ito.
Tutukuyin ng DSWD kung indigent ang bata o hindi, habang ang DOH naman ang magko-coordinate sa mga libreng medical at dental services na ibinibigay sa kanila.
Umaasa sina Duterte at Yap na ang panukalang batas ay magbibigay ng kritikal na tulong sa mga pinaka-vulnerable na bata, lalo na sa mga itinuturing na “poorest of the poor.”