Inaprubahan na ng House Committee on Poverty Alleviation ang panukalang batas na magbibigay ng libre o discounted na palibing, burol at iba pang funeral services para sa mga namatayang masa at mahihirap na pamilya.
Ang “Funeral Assistance for Indigent and Extremely Poor Families Act” ay isa sa mga priority bill ni Rep. Sam Verzosa ng Tutok to Win Partylist.
Sa isang pahayag, sinabi ni Verzosa na ang panukala ay naglalayong matulungan ang mga mahihirap na pamilya na nabibigatan sa mga gastusin sa libing at burol.
“Para sa mahihirap natin na kababayan, madalas umuutang pa sila para lang mabigyan ng maayos na libing ang pumanaw nilang mahal sa buhay. Sa batas na ito, puwede na silang makatanggap ng libre o discounted na funeral services.”
Sa ilalim ng panukala, ang mga mahihirap na pamilya o ang mga nakatira sa ilalim ng poverty threshold batay sa National Economic and Development Authority ay maaaring maka-avail ng libreng funeral services. Ang mga mahihirap na pamilya ay may 50 percent discount sa funeral services.
Iniulat ng Philippine Statistics Authority na mayroong 613,936 na registered deaths sa Pilipinas noong 2020. Ibig sabihin, mayroong 1,677 na Pilipino ang namamatay araw-araw o 70 kada oras. Bukod dito, 18.1 percent ng mga Pilipino ang napag-alamang mahirap o nabubuhay lamang sa sa hindi tataas ng ₱12,030 kada buwan para sa pamilya ng lima.
Binigyang-diin ni Verzosa ang pangangailangang unahin ang pagtulong sa mga mahihirap na pamilya sa mga panahong ito. “Kapag namatayan ang isang pamilya talagang malaking dagok ito emotionally and financially, kaya dapat talaga manguna ang gobyerno para tulungan ang mga mahihirap na pamilya. Kami po sa Tutok to Win Partylist, tuluy-tuloy lang po namin tututukan ang pagtulong sa masang Pilipino.”
Kasama sa panukala ang apat na packages na maaaring ibigay sa mga benepisyaryo, na kinabibilangan ng: standard burial package, standard cremation package, standard customary package for indigenous people, at standard customary practice of Muslim Filipinos.