Muling iginiit ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kanyang panawagan na tuluyan nang tanggalin ang Philippine offshore gaming operators (POGOs) sa bansa. Hinimok niya ang mga lokal na pamahalaan na maging mas mapagbantay laban sa mga ilegal na operasyon ng POGO sa kanilang mga nasasakupan.
“Inatasan natin ang PAGCOR [Philippine Amusement and Gaming Corporation], PAOCC [Presidential Anti-Organized Crime Commission], PNP [Philippine National Police, at CIDG [Criminal Investigation and Detection Group] na paigtingin ang kanilang operasyon laban sa ilegal na POGO,” ani Marcos. Idinagdag niya na tungkulin ng mga lokal na pamahalaan na alamin ang mga kahina-hinalang aktibidad sa kanilang komunidad at makipag-ugnayan sa Department of Interior and Local Government (DILG).
Ang utos na ito ay tugon sa mga krimeng konektado sa POGO, tulad ng human trafficking, prostitusyon, kidnapping, at pagpatay, na binanggit din ng Pangulo sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo.
Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, gagawin ng pamahalaan ang lahat upang masigurong POGO-free ang Pilipinas pagsapit ng 2025.
“Guerilla operations will flourish, but we will go after them,” aniya. Ipag-uutos din ni Remulla sa mga local chief executives ang pagbabantay laban sa pagtatatag ng mga bagong ilegal na POGO.
Tiniyak ni PNP chief General Rommel Francisco Marbil ang buong suporta ng kapulisan sa mga layunin ni Marcos para sa mas ligtas na bansa. Kasama sa kanilang mga hakbang ang:
- Pagpapalakas ng cybercrime prevention sa pamamagitan ng advanced training para sa mga pulis.
- Proteksyon sa kabataan laban sa exploitation at iba pang anyo ng pang-aabuso.
- Seguridad ngayong holiday season, kabilang na ang pagsisigurong maayos ang daloy ng trapiko at ligtas ang mga biyahero.
Kasama rin sa plano ni Marcos ang mas pinalawak na koordinasyon laban sa ilegal na droga upang mas epektibong sugpuin ang problema. “We need a united and comprehensive approach to address these issues,” aniya.
Photo credit: Facebook/pcogovph