Diretsahang niligwak ni Davao City Mayor Baste Duterte si Senador Bong Go matapos umano manahimik ng senador sa kabila ng pambabatikos ng gobyerno sa mga opisyal sa siyudad.
Sa nakaraang prayer rally sa Pampanga, ipinakita ni Duterte ang kanyang pagkadismaya kay Go matapos aniya ay magkibit-balikat lang ang senador sa nasabing isyu sa Davao.
Aniya, para bang wala silang pinagsamahan sa kanyang ipinapakita. “Ikaw Bong Go, kumpare kita. Pero kung alam ko lang pala na magkakaganito, you know, ‘yung mga tao, kaming mga Davaoeño nagboto kami sa iyo. Kung alam ko na lang na ganito lang pala ‘yung gagawin mo, sana hindi na lang.”
Sa kanyang pahayag, sinabi rin ni Duterte na ang kanyang saloobin ay hindi dahil sa dati katuwang si Go ng kanyang ama na si former President Rodrigo Duterte ngunit bilang isang botante na naniniwala sa kanyang plataporma.
“Yung sinasabi ko, not because he used to be [the] former secretary or chief of staff of the previous president but as a voter. I’m talking to him as a voter.”
Dahil dito, ang banat ni Duterte ay may panahon pa para makabawi si Go sa kanyang pagkukulang sa pamamagitan ng pagpapakita niya ng malasakit sa kanyang mga kababayan.
“Pare, Bong, you have time to redeem yourself. You have time na ipakita na you will stand by the Filipino people so your love, ‘yung pagmamahal mo sa bansa [ay] mas umaapaw pa kaysa sa pagmamahal mo sa sarili mo, kasi hirap na hirap na ang mga tao ngayon,” sambit niya.
Mariin ding sinabi ng mayor na kailangan nang magsalita ni Go kung gusto pa niyang tumakbo sa Senado. “Kung gusto n’ya pang tumakbo ng senador ulit, show that he is one with the Davaoeños, especially in times like this.”
Sa kabila nito, hindi na nagkumento pa si Duterte tungkol sa pagbitiw ni Go bilang ka-alyansa ng kanyang ama dahil aniya, iba ang takbo ng mga pangyayari sa pulitika. “You know, politics, hindi mo talaga maano–you can never guess what will happen next in politics.”
Matatandaang pinaiimbestigahan ang ibang opisyal sa Davao City kaugnay sa isyu ng droga dahil umano sa mga naging drug positive na empleyado kabilang na ang ilang pulis sa probinsya.