Para kay House Quad Committee Chairperson Robert Ace Barbers, maari nang ituring na naging “polisiya” ang extrajudicial killings (EJK) sa war on drugs noong administrasyon ni dating pangulong Rodrigo Duterte.
Sa isang interview sa Super Radyo DzBB, sinabi niya na kung pagbabasehan ang mga pahayag ng dating pangulo se Senate Blue Ribbon Subcommittee, tila utos ito na naging patakaran.
“Kung pagbabasehan natin ‘yung mga nabitawang statement ng ating pangulo, maari na tayong magkaroon ng conclusion na naging polisiya ito,” ayon sa mambabatas.
Dagdag niya, imbestigahan pa rin ng komite kung sino-sino ang may pananagutan, lalo’t libo-libo ang mga napatay.
“Mahirap kasi na ituro lamang sa iisang tao itong pag-i-implement nito dahil kung libo-libo ito, sino dapat ang managot dito?” saad ni Barbers.
Samantala, pinabulaanan naman ni dating presidential chief legal counsel Salvador Panelo ang mga alegasyon. Ayon sa kanya, ang mga EJK, kung meron man, ay “hindi state-sponsored.”
Ayon kay Panelo, ang tanging polisiya ay arestuhin at kasuhan ang mga drug suspects, at gumamit ng makatwirang pwersa kung may panlalaban.
Dagdag pa niya, wala raw inamin ang dating pangulo na may kinalaman siya sa pagkakabuo ng Davao Death Squad. Sinabi ni Duterte sa Senado na handa siyang akuin ang “full legal responsibility” sa drug war ngunit wala siyang planong humingi ng tawad.
Ipinunto rin ni Panelo na inako ng dating pangulo ang responsibilidad ng kampanya, kasama ang mga pagkabigo at tagumpay nito. Bilang dating lider ng bansa, pinanagot din ni Duterte ang mga pulis na umabuso sa kanilang kapangyarihan, gaya ng kaso ni Kian delos Santos.
Tinatayang 6,000 ang napatay sa ilalim ng war on drugs batay sa mga police records, ngunit ayon sa mga human rights groups, maaring umabot pa sa 30,000 ang bilang ng mga namatay.
Photo credit: Facebook/officialpdplabanph, Facebook/HouseofRepsPH