Mariing tinutulan ni former Surigao del Sur Representative Prospero Pichay Jr. ang mga naging pahayag ni ACT-CIS Party List Representative Erwin Tulfo matapos ang pagkakadiskubre ng mga bodega sa Bulacan na may nakaimbak na sandamakmak na sako ng bigas.
Sa isang radio interview, iginiit ni Pichay na ang gobyerno ang dapat na sisihin sa pagtaas ng presyo ng bigas imbes na ang mga importer.
“Siguro i-revisit ninyo yung Rice Tarrification kasi isinisisi natin sa mga importer yung pagtaas ng presyo ng bigas eh 47% yung ipinapataw na cost of duties diyan sa bigas…so ang gobyerno rin ang nagpapataas sa presyo ng bigas… Kung tanggalin natin iyan, agricultural product naman talaga iyan at agri-products is only 6% tariff, zero VAT, ang laking luwag po iyan sa ating mga kababayan.. Kasi kung N FA ang mag-iimport, wala namang tariff iyan pero kung private sector may tariff talaga ‘yan.”
Matatandaang pinangunahan ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez kasama si Tulfo, mga mambabatas, at mga opisyal ng Bureau of Customs ang isang sorpresang inspeksyon sa Bulacan kung saan natuklasan ang mahigit 200,000 sako ng bigas na nakaimbak sa tatlong bodega sa Bocaue at Balagtas. Ang pinagsama-samang halaga ng bigas ay tinatayang aabot sa P500 milyon.
Ayon kina Romualdez at Tulfo, ang napakaraming nakaimbak na bigas sa mga bodega ay nagsisilbing hindi maikakailang ebidensya na artipisyal lamang ang pagtaas ng presyo ng bigas sa merkado. Iginiit nila na ang pag-iimbak na ito ay maaaring magtulak ng pagtaas ng presyo ng kada kilo ng bigas.
“Breaking news!!! Walang kakulangan ng bigas sa bansa. Sa mga warehouse lang sa Metro Manila, Bulacan, Nueva Ecija at ibang lugar sa Luzon,” deklara ni Tulfo sa kanyang social media page.
Sinegundahan naman ito ni Romualdez at sinabing, “Artificial o sadya ang pagtaas ng presyo ng bigas sa merkado dahil nakatago sa bodega ang mga bigas kaya nagmamahal.”
Nagbabala rin siya sa mga importer na ilabas na sa merkado ang kanilang mga stock at huwag nang hintayin na ipag-utos pa ito ni Pangulong Bongbong Marcos.
Photo credit: Facebook/erwintulforeal