Pinag-aaralan ngayon ng Department of Justice (DOJ) ang mga ebidensiyang isinumite ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng diumano’y “kill threat” ni Vice President Sara Duterte laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa isang press briefing, ipinaliwanag ni Prosecutor General Richard Fadullon na sinusuri pa ng mga piskal kung sapat na ang ebidensiya upang irekomenda ang mas malalim na imbestigasyon o ibalik ito sa NBI para sa karagdagang case build-up. Ayon sa kanya, “Kung makitang may sapat na batayan, maaaring isulong ang kaso o ibalik sa NBI kung kailangan pang dagdagan ang ebidensiya.”
Samantala, sinabi ni Justice Undersecretary Raul Vasquez na magsisimula ang preliminary investigation kung magreresulta ang evaluation sa sapat na basehan.
Kontrobersyal Na Pahayag Ni VP Duterte
Ang isyu ay nag-ugat sa isang online briefing noong Nobyembre ng nakaraang taon kung saan nagbigay si Duterte ng kontrobersyal na pahayag. Sinabi niya, “May handa na akong assassin para tapusin ang buhay nina Marcos, Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, at House Speaker Martin Romualdez sakaling may magtangkang pumatay sa akin.”
Patuloy na hinihintay ng publiko ang magiging hakbang ng DOJ kaugnay ng kontrobersyal na kaso.
Photo credit: Facebook/OfficeOfTheVicePresidentPH